TINATAYANG P1.1 milyong halaga ng siopao na nakakarga sa isang container van ang hinarang sa Bacolod Real Estate Development Corp. Port at ipinabalik sa Cebu.
Sinabi ni Dr. Ryan Janoya, head ng Animal Health and Meat Inspection Services Division ng Provincial Veterinary Office, na hindi pinayagang makapasok ang 51,840 piraso ng siopao sa lungsod sa harap ng 90-araw na ban sa baboy at mga produktong baboy mula sa Luzon.
Nagmula ang shipment sa Mandaue City, Cebu ngunit base sa mga dokumento, lumalabas na sa Quezon ang manufacturing address ng mga ito.
Ibinalik ng Provincial African Swine Fever Task Force ang kargamento sa Cebu.
Noong Miyerkules, nagpasa ang task force ng resolusyon na itutuloy nito ang 90-araw na ban ng baboy na galing Luzon.
Sinabi ng task force na nanganganib ang P6 bilyong industriya ng baboy sa lalawigan sakaling tanggalin ang ban.