TATLONG beses na palang naka-experience ng diskriminasyon si Megastar Sharon Cuneta sa ibang bansa.
Kuwento ng Kapamilya singer-actress, galit na galit siya nang minsang isnabin at dedmahin ng saleslady nang pumasok siya sa isang Cartier boutique sa Hongkong.
Sa interview ng Tonight With Boy Abunda, naikuwento niya ang naranasang diskriminasyon nang bumisita sa nasabing store.
“My outfit was very simple, shirt lang and jeans. I said, ‘Excuse me.’ ‘I’m not finished yet!’ I was so angry, there was another sales rep who was very nice, and I ended up buying things I didn’t really need because I was so angry,” pahayag ni Mega.
Hirit pa niya, “Ako, galit ako kapag Pilipino inaapi.”
Agree rin ang singer-actress-TV host sa sinabi ni Regine Velasquez na walang masama sa pamimili ng mamahaling gamit lalo na kung pinaghirapan mo ito.
Kamakailan kasi ay ikinuwento rin ng Asia’s Songbird kung paano siya binastos ng isang sales representative sa isang Louis Vuitton store sa New York.
“No one can fault you for buying something expensive because you work for it,” chika ni Sharon. Aniya pa, kung kasama raw siya ni Regine noong mabastos ito sa New York hindi siya magdadalawang-isip na ipagtanggol ang kaibigan.
Samantala, bukas na ng gabi (at sa Linggo) magaganap ang kauna-unahang two-night concert together nina Regine at Sharon, ang “ICONIC” sa Araneta Coliseum.