Manny Pacquiao gagawa ng Hollywood movie: Handpicked nila ako

KINUMPIRMA ni Sen. Manny Pacquiao may gagawin siyang Hollywood movie, bukod pa nga sa life story ng Filipino hero na si Gen. Miguel Malvar.

Sa isang panayam sinabi ng senador na talagang siya ang napili ng mga producer para sa nasabing proyekto na magsisimula ang shooting sa 2020.

“May offer din ako, yung American Hollywood movie. Handpicked nila ako. Hindi pa naman siya start. Mag-i-start pa lang rin yung shooting pero saka na lang namin i-announce lahat ng detalye. May American movie din na gagawin,” pahayag ng Pambansang Kamao.

Base sa ilang ulat na nai-post sa social media, isa sa mga international project na gagawin ng senador ay ang

“Freedom Fighters” na isang collaboration ng mga Filipino at Hollywood producers.

Balitang si Pacman ang gaganap bilang Col. Macario Peralta Jr. sa “Freedom Fighters”, ang leader ng Philippine Guerilla sa Panay Island na lumaban sa mga hapon noong World War II.

Dahil sa ipinakitang katapangan at kabayanihan, nakatanggap siya ng parangal mula sa American government ng Distinguished Service Cross at Silver Star.

Base sa ilang impormasyon sa history ng Pilipinas, naging senador din si Peralta sa edad na 36 noong 1949.

Tungkol naman sa life story ni Gen. Malvar, “Mag-start pa lang yung shooting namin. Actually nu’ng nilapit nila sa akin yan, sa dami ng mga nag-pu-propose ng movie na ganu’n, nu’ng nilapit sa akin yung General Malvar, nagustuhan ko yung story kasi hero siya.

“Napakagandang makapagbigay ng inspirasyon sa ating mga kababayan. Hindi ko pa alam yung cast. Kahit sino basta magampanan namin yung movie na true-to-life story na makapagbigay ng inspirasyon sa mga kababayan natin. Bawal lang sa akin yung may kissing scene, ganu’n,” pahayag pa ni Pacquiao sa nasabing panayam.

Read more...