SAME old faces na naman ang mga artistang maglalaban-laban sa box-office para sa 2019 Metro Manila Film Festival.
Pasok pa rin ang entry nina Vic Sotto, Coco Martin at Vice Ganda na ilang taon nang namamayagpag sa filmfest.
But this time, hiwalay na ang Vic-Coco tandem na nagsanib-pwersa last year. Ngayong taon, babae naman ang ka-tandem ni Vice sa kanyang filmfest entry, ang isa sa kanyang BFF sa showbiz na si Anne Curtis.
Pero kung nawala man si Coco, kasama pa rin ni Bossing ang anak-anakan niyang si Maine Mendoza para sa entry nilang “Mission: Unstopabol: The Don Identity” with Jake Cuenca and Pokwang.
Kinuha naman ni Coco bilang dagdag atraksyon sa entry niyang “3Pol Trobol Huli Ka Balbon” ang mga Kapuso stars na sina Jennylyn Mercado at Ai Ai delas Alas.
Ang isa pang aabangan sa 2019 MMFF ay ang pagbabalik sa big screen ni Judy Ann Santos sa pelikulang “Mindanao”.
Makakasama niya rito ang award-winning actor na si Allen Dizon sa direksyon ng Cannes best director na si Brillante Mendoza.
Nag-iisang horror entry naman this year ang “Sunod” ni Carmina Villaroel habang magsasalpukan naman sa drama ang entry nina Iza Calzado at Jasmine Curtis na “Culion” at ang Pinoy version ng hit Korean movie na “Miracle in Cell No. 7” starring Aga Muhlach.
Nanggulat naman sa annoucement ng final four entries para sa 2019 MMFF ang “Write About Love” ng TBA Studios. Bida rito sina Miles Ocampo, Yeng Constantino at Rocco Nacino.
Siyempre, predictable na ang mga entries na maglalaban-laban sa takilya at ang mga magbabakbakan pagdating ng awards night.