‘Kakambal na ni Arjo ang husay sa pag-arte nang ipanganak’

ARJO ATAYDE

Ayon sa aming mga kaibigang sumubaybay sa seryeng The General’s Daughter, kapag natalo raw si Arjo Atayde sa katatapos lang na Star Awards For Television ay mag-iingay sila, talagang magra-rally raw sila sa tapat ng kanilang mga bahay.

Nakakatuwa ang mga ganu’ng komento, buong-buo ang kanilang paniniwala sa talento ni Arjo, lalo na sa matagumpay niyang pagtatawid sa papel ni Elai sa The General’s Daughter bilang autistic na anak ng Diamond Star na si Maricel Soriano.

Dapat lang at karapat-dapat na parangalan ang anak ni Sylvia Sanchez, kami man ang magkakaroon ng sarili naming gabi ng parangal ay walang dudang si Arjo Atayde ang pagkakalooban namin ng tropeo ng pagkilala, dahil hinog na hinog na ang kanyang kapala-palakpak na talento sa pag-arte.

Ipinanganganak ang mga tunay na anak ng sining. Nadadagdagan lang ng workshop ang natural nilang galing. Nang ipanganak si Arjo Atayde ay kakambal na ng kanyang inunan ang husay sa pagganap.

Wala siyang pakialam sa kanyang itsura, napaka-consistent ng pagtrato niya sa papel na ipinagkatiwala sa kanya, super-galing umarte ang binatang aktor na ito na binibigyan pa ng inspirasyon ni Maine Mendoza.

Walang kaduda-duda ang parangal ni Arjo Atayde bilang Best Supporting Actor.

Read more...