HINDI maipaliwanag ng stand-up comedian na si Ate Gay kung bakit bigla na lang siyang tinanggal bilang contestant sa Tawag ng Tanghalan Celebrity Champions ng It’s Showtime.
Sa pamamagitan ng kanyang Facebook account, inilahad ng komedyante ang pagkadismaya sa nangyari. Nabatid na nag-pictorial na siya, napasama pa sa media interview at nag-band rehearsal na rin para sa TNT pero bigla na lang siyang sinabihan na hindi na siya sasalang.
Narito ang una niyang FB post, “Hanggang ngayon ako po ay nananalangin na masalang sa TNT tapos na ang pictorial interview at band rehearsal ko ….atat na po ako mang aliw ng madlang people.. kaya lang ni ho ni ha wala pa akong natatanggap na sched…
“Naghihintay-AteGay.”
Makalipas ang ilang oras, ito na ang nasa FB status ng komedyante, “Nais ko lang po ibalita na hindi na po ako makakasalang sa TNT. Nakakalungkot man na ang management ay walang sinabing dahilan kung bakit.
“Salamat sa abala sa oras na masaya sana. Bagamat patuloy lang po ang buhay na ang layunin ko lang ay magbigay aliw sa madlang people at lumaban..
“Uulitin ko po walang sinabing dahilan kundi Di na po ako isasalang. Maraming salamat po!”
Samantala, ni-repost din ni Ate Gay sa kanyang Instagram account ang ipinost na mensahe ng kanyang manager na si Freddie Bautista tungkol sa nangyari.
“Nakakalungkot lang na hindi na maisasalang sa Celebrity Edition ng Tawag ng Tanghalan si Ate Gay sa walang malinaw na dahilan.
“Ang sakin lang sana hindi na ininvite, hindi nakapag pictorial at hindi nai-plug. Kahit isipin ko na baka naman may Issue?
“Pero sa tingin ko wala naman, kasi nag guest host pa si Ate Gay Online sa Grand Finals ng TNT sa Aliw Theater last year at nakapag Minute to win it din naman sya this year.
“Ako nga nalulungkot kasi after the effort ng Artista ko Ano pa kaya ang pakiramdam mismo ng isang artista sa ganitong sitwasyon.
“Ayoko sanang mag Post baka kasi lumaki pa. kaso may mga nakakakilala din naman kay Ate Gay at nagtatanong kung kelan sya isasalang.
“Ano ang isasagot namin? At Bilang Talent Manager kailangan ko din naman protektahan ang Talent ko.
“Pero baka minsan ganon talaga ang buhay pag hindi sayo hindi talaga mapapapunta sayo kaya Move on nalang.”
Bukas ang pahinang ito sa paliwanag ng mga namamahala sa It’s Showtime.