MAGSASAGAWA ng survey ang liderato ng Kamara de Representantes upang malaman ang opinyon ng nakararami sa mga kontrobersyal na panukala gaya ng divorce bill.
Inamin naman ni House Speaker Alan Peter Cayetano na naniniwala siya na hindi divorce ang solusyon sa mga asawang hindi na magkasundo, pero hindi umano niya haharangin na mapag-usapan ito sa Kamara de Representantes.
Taliwas ang posisyon ng Speaker sa paniniwala ng kanyang kapatid na si Sen. Pia Cayetano na nagsusulong ng divorce sa Senado.
“Some believe that divorce is the solution,” ani Cayetano. “Some, like me, do not believe that divorces is the solution.”
Sinabi ni Cayetano na dapat hanapan ng solusyon ang problema ng mga mag-asawa na hindi na magkasundo at isa sa maaaring solusyon ay gawing “democratic” ang annulment sa bansa.
Ayon sa lider ng Kamara mabilis na matatapos ang mga panukala gaya ng budget at iba tax measures na kailangan ng gobyerno hindi gaya ng mga kontrobersyal na panukala gaya ng divorce.
“I will not stop but we will act with caution on bills that have no consensus,” dagdag pa ng Speaker.
Makikipagpulong umano si Cayetano sa mga miyembro ng Kamara upang makuha ang consensus sa mga kontrobersyal na isyu gaya ng divorce at death penalty.
“But we are not stopping any committee from discussing all of these bills….I can assure you of full debates in all of these issues,” saad pa ni Cayetano.