Napanganga kay ‘Marama’

SA mga hindi mahilig sa surfing , malamang na hindi kilala kung sino si ‘‘Marama.’’
Ngunit sa mundo ng surfing, isa sa mga tinitingalang pangalan si ‘‘Marama.’’
Ang tunay na pangalan ni ‘‘Marama’’ ay John Mark Tokong. Banggitin mo ang pangalang ‘‘Marama’’ at ang lahat ng marunong at nagtatangka pang matuto ng surfing ay tiyak na mapapanganga.
Muling sumiklab ang pangalang ‘‘Marama’’ matapos niyang mapanalunan ang sikat na Siargao International Surfing Cup na ginanap sa world-famous na Cloud 9.
Ang Cloud 9 surfing spot ay nasa bayan ng General Luna sa mala-paraisong isla ng Siargao na kilala bilang surfing capital ng Pilipinas dahil sa mga naglalakihan nitong mga alon.
Pinagtatalo ni Marama ang mga bigating pangalan sa surfing na nagmula sa iba’t-ibang bansa tulad ng Australia, Estados Unidos, Japan at Indonesia.
Patunay ito na hindi nagbibiro ang ginagalang at minamahal na kinatawan ng Siargao na si Francisco ‘’Bingo’’ Matugas II na sinabing hindi malayong makakuha ng medalya (kahit anong kulay) ang Pilipinas sa surfing sa Olympics.
Dahil sa kagustuhang lalo pang itulak ang popularidad ng surfing sa Siargao at ipakita sa mundo kung ano ang kayang gawin ng mga Pinoy surfers sa internasyonal na tanghalan, tiniyak ni First District Representative Matugas kasama ang kanyang ama na si Surigao del Norte Governor Lalo Matugas at General Luna Mayor Cecilia Rusillon na magiging matagumpay ang 25th Siargao International Surfing Cup.
Ang nakaraang paligsahan ay ginawa rin bilang parangal sa yumao at dating Mayor ng General Luna na si Jaime Rusillon na kasama si Gov. Matugas binuksan ang mga mata ng tao mula sa iba’t-ibang panig ng mundo sa kagandahan ng surfing sa Siargao.
Hindi nakakapagtakang mismong si tournament director Will Hayden Smith ng World Surf League ang nagsabing ‘’fantastic’’ ang hosting na ginawa nina Rep. Matugas. Dahil dito ay hindi nakapagtatakang nais ng World Surf League, ang governing body ng pandaidigang surfing na planuhin na agad ang susunod na edisyon ng Siargao International Surfing Cup.
Malaking tulong hindi lang naman sa mga Pinoy surfers ang ginawang hosting na ‘‘heard, read and seen round the world’’, ika nga.
Nagbigay din ito ng daan upang tulungan ang mga lokal dahil sa pagdagsa ng mga turista siguradong gagastos at makakatulong sa paglago ng ekonomiya sa bayang ito.
Tinutulak ng pamunuan ng Siargao ang ‘‘sustainable tourism’’ at patuloy ang walang humpay na pagpapaalala na ingatan ang kalikasan ng Siargao.
Bawal ang plastic sa Siargao at may mga panuntunan sa pagpapatayo ng mga bagong inprastraktura upang matiyak na hindi masasalaula ang kagandahan ng lugar na ito.
Sa aking pagtatanong, ang ibig sabihin ng ‘‘Marama’’ ay madiskarte. Puwede ring naman ‘‘wais’’ at sabi nga ng iba habang nakatawa ay ‘‘chick boy.’’
Sa aming pag-uusap, hindi tinago ni Marama na siya ay nagmula sa hirap. Sabi nga niya, hindi na bago sa kanya ang kumain ng niyog upang maibsan ang gutom noong siya ay bata pa. Mangingisda ang kanyang mga magulang.
Ngunit dahil sa kagustuhang umangat ang buhay ay nagsikap si ‘‘Marama.’’ Kaya hindi nakakapagtakang unti-unti ng nararating ni ‘‘Marama’’ ang kanyang pangarap.
Tunay na ipinakita ni ‘‘Marama’’ ang tamang diskarte (siyempre pa naging perpekto rin ang mga alon) upang taluniang kampeong si Skip McCullough ng US, Oney Anwar ng Indonesia sa mga naunang salpukan bago ungusan si Noah Beschen ng Hawaii sa kanilang huling one-on-one.
Lubos ang pasasalamat ng kampeon sa kanyang mga tagasuporta at kina Rep. Matugas dahil sa patuloy na pagtataguyod ng surfing sa Siargao.
Siyanga pala, si ‘‘Marama’’ ay pambato ng Pilipinas sa surfing competitions sa darating na Southeast Asian Games na gaganapin sa La Union.
Tour of Mindanao

Magkakaroon ng Tour of Mindanao sa Mindanao-Sulu-Palawan (MinSuPala) Games 2020. Ito ang napagkasunduan ng co-organizers na Mindanao Development Authority (MinDA) at Philippine Sports Commission (PSC) sa isang pulong na ginawa sa Davao City.
Binalikan ni Secretary Emmanuel Piñol, chairman ng MinDA, ang mga alaala ng dating taunang Marlboro Tour na hinihintay hindi lang ng mga siklista kundi ng mga isportsrayter.
“We can discover cycling talents, discover the beauty of Mindanao. We can show to the world that there is peace in Mindanao because cyclists can freely ride around it safely,” sabi ni Piñol.
Kabilang sa nasabing pagpupulong sina PSC chairman Butch Ramirez at PSC commissioner Charles Maxey na nagsabing ‘’welcome na welcome ’’ ang suhestiyon ni Piñol.

Read more...