Bukod sa commute challenge, gov’t officials dapat mag-minimum wage
PARA mas maramdaman ang totoong kalagayan ng nakararami, dapat ay ibaba umano sa minimum ang sahod ng mga senador at kongresista bukod pa sa pag-commute ng mga ito papunta sa trabaho tuwing Lunes.
Ayon kay Gabriela Rep. Arlene Brosas hindi lang ang trapik ang dapat maranasan ang mga opisyal ng gobyerno kundi maging ang hirap kung papaano pagkakasyahin ang minimum na sahod sa pangangailangan ng isang pamilya.
“Maganda pa nga nito isunod nila na magkaroon ng minimum wage yung mga tao eh para kahit ang senador at mga kongresista minimum wage natin para sa ganun eksakto magkano yung pamasahe magkano yung pangkain magkano yung lahat kasi yun naman yung dapat ginagawa ng public officials,” ani Brosas.
Kung si Brosas ang tatanungin dapat ay mag-commute din si Pangulong Duterte gaya ng ginawa ni Presidential Spokesman Salvador Panelo.
“Well sa concept we agree maige po yun para makita talaga natin na kailangan talaga na magkaroon ng mass public transportation sa kasalukuyan dahil ang alam natin krisis ang meron tayo ngayon di lang sa transportasyon pati sa traffic sa lahat po nagkikrisis tayo.”
Mas madali umanong maintindihan ng mga mambabatas ang mga pakiramdam ng mga ordinaryong mamamayan kung mararanasan nila ang pinagdaraanan ng mga ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.