NAKA-13 MILLION subscribers na pala ang iWant sa loob lang ng isang taon kaya pala linggu-linggo na kung mag-launch ang ABS-CBN ng bagong original digital series para laging may bagong mapapanood ang mga tao.
Ito ang nabanggit sa amin ng isang taga-iWant na overwhelmed sa magagandang feedbacks mula sa subscribers nila at naghahanap pa ng bagong original digi-series.
Naglalaman ng pinakamaraming Filipino video content, ang iWant ay kabilang sa digital initiatives ng ABS-CBN na nagpapatunay sa patuloy nitong pag-transition bilang isang digital company dahil sa patuloy na paglawak ng online presence nito at pagdami ng digital properties.
Nitong Biyernes ay ni-launch na sa iWant ang seryeng Kargo mula sa Star Creatives na may R-16 rating dahil na rin sa ilang sensitibo at delikadong eksena na idinirek ni Julius Alfonso.
May limang episodes ang Kargo at ipinanood nga sa entertainment press ang unang dalawang episode nito. Simula pa lang ay mapapaigtad ka na dahil sa mga disturbing scenes.
Maging ang karakter na Lola Tere na ginagampanan ni Rio Locsin ay kakaiba. Sa tagal ng aktres sa showbiz ay unang beses niyang gumanap na palabang lola na nag-aaksyon. Sa simula ay ayaw niya itong tanggapin pero dahil maganda ang kuwento at gusto rin niyang i-challenge ang sarili kaya tinanggap din niya.
“Ang layu-layo ng karakter ko sa totoong buhay kasi unang-una hindi naman ako nagmumura, e, dito sa Kargo wala akong ginawa kundi magmura,” anang aktres.
Nang ialok kay Rio ang role na Lola Tere, “Tinanong ko, ‘Seryoso ba kayo sa ipapagawa n’yo sa akin dito’ kasi hindi nga ako. Tapos sabi nila, ‘Opo, alam po namin na babagay sa inyo.’ ‘Talaga?’ Nakaka-challenge naman. Siguro maging mga anak ko magugulat na ginawa ko ito. Pero kailan ko pa gagawin kung hindi ngayon.”
Ayon pa sa batikang aktres, tungkol sa pamilya ang kuwento ng Kargo na kaya raw may mga kabataang naliligaw ng landas ay dahil hindi nagagabayan ng tama.
Paliwanag ni Rio, “Kahit na siguro may problema kayo sa pamilya, pero ‘yung pagmamahal hindi dapat mawawala. ‘Yung pagpapatawad hindi rin mawawala.”
Makakasama ni Rio sa Kargo si Gillian Vicencio as Hanna na napatay ang karelasyong lesbian kaya kailangan nilang dalhin ang bangkay nito sa isang lugar na hindi makikita ng kanyang pamilya.
Si Markus Patterson naman ay si Reyven na lihim na karelasyon ni Hanna. Siya ang dahilan kung bakit binubugbog si Hannah ng karelasyong tibo.
Sa kabila ng panganib, patutunayan ni Lola Tere ang kanyang pagmamahal sa apo at gagawin ang lahat upang siguraduhing ligtas ito. Ngunit mas malaking problema pa ang kanilang haharapin sa unti-unting pagsiwalat ng mga sikreto ng nakaraan na tuluyang babago sa kanilang pamilya.
Panoorin ang Kargo sa iWant app o sa iwant.ph.