PROBLEMA ng gobyerno ang mga mahihirap na walang pampagamot.
At marami sa kanila ang nagkakasakit dahil sa kanilang kinakain. Limitado na nga ang kanilang nakakain dahil sa kakulangan ng budget, unhealthy pa.
Nagpahayag ng pangamba ang World Health Organization sa sugary at fatty food na madalas kinakain ng mga tao na walang panggastos sa pagpapagamot.
Ayon kay Regional WHO director Dr. Takeshi Kasai ang mga sugary at fatty food na ito ay mabibili sa murang halaga at madaling mabili kumpara sa mga pagkain na mas maganda sa kalusugan.
Marami rin umano sa mga pagkain na mataas ang saturated fats, trans fats, sugar o salt content ay ibinebenta sa mga bata.
Tinatayang 7.2 milyong bata na wala pang limang taong gulang sa Western Pacific, kung saan nabibilang ang Pilipinas ay overweight.
May 84 milyong bata naman na edad 5-19 ay overweight o obese, tumaas ng 43 porsyento kumpara sa datos noong 2010.
Mas laganap umano ang bentahan ng mga pagkaing ito sa lugar kung saan mataas ang bilang ng mga mahihirap.
Marami umano sa mga batang ito ang lalaki na ipagpapatuloy ang kanilang unhealthy lifestyle na magreresulta sa kanilang maagang pagkakasakit.
Lumakas din umano ang marketing ng mga instant milk kaya nasasayang ang kampanya pabor sa breastfeeding.
Sa datos ng WHO, dalawa hanggang tatlong sanggol ang umiinom ng instant formula at hindi exclusively nag-breastfeed sa loob ng anim na buwan mula ng ipanganak. — Leifbilly Begas