NINAKAWAN na ang isang negosyante ng P4.5 milyong cash, nag-iwan pa ng dumi ng tao ang mga kawatan sa balkonahe ng kanyang bahay sa Dasmariñas City, Cavite.
Sinabi ni Lt. Col. Nerwin Ricohermoso, chief ng San Pedro City Police Station, na nangyari ang insidente sa bahay ni Jovie Ryan Pedrido, isang used-car dealer, sa Barangay Salitran 3.
Idinagdag ni Ricohermoso na posibleng nangyari ang panloloob Biyernes ng gabi nang umalis ang pamilya ni Pedrido para mag-outing sa Laguna.
Iniulat sa pulis ang insidente Sabado ng gabi.
Sa isang panayam, sinabi ni Ricohermoso na nadiskubre ng mga biktima na sira ang pintuan sa likuran matapos sapilitang buksan.
Nabuksan din ang cash vault ng pamilya at wala na ang pera.
Idinagdag ng pulisya na uminom pa ang mga suspek at nag-iwan ng mensahe sa dingding ng: “Nakuha na namin pera mo.”
Natagpuan din ng mga pulis ang mga dumi ng tao sa balkonahe ng bahay.
Sinabi ni Ricohermoso na lumalabas na kilala ng pamilya ang mga magnanakaw dahil alam kung saan nakatago ang pera at walang ibapang nawala.
“They also knew the family was away,” sabi ni Ricohermoso.
Inaalam na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspek sa pamamagitan ng footage ng security camera at laway na naiwan sa pinag-inumang baso ng mga suspek.