Buhay team manager

Lucky Shot ni Barry Pascua

KUNG inaakala ng karamihan na madali lang ang trabaho ng isang team manager sa basketball, nagkakamali sila!
Hindi lang tagaayos ng kontrata at tagabigay ng suweldo at bonus ang papel ng isang manager sa basketball. Mahigit pa roon ang kanyang responsibilidad.
Hingahan siya ng sama ng loob ng mga players at pati na rin ng coach. Kadalasan, siya ang nag-aayos ng ganitong klaseng problema pang-basketball man o personal na buhay. Siya ang middleman sa team at sa upper management. Kailangan na tiyakin niya na “everybody happy” bago ang isang game o kahit na pagkatapos ang isang game, manalo man o matalo ang kanyang koponan.
Marami pang maliliit na bagay na pinag-uukulan ng pansin ang isang team manager at iyan ang papel na ginagampanan ngayon ni Virgil Villavicencio sa Talk ‘N Text.
Hinalinhan ni Villavicencio si Frankie Lim bilang team manager ng Tropang Texters bago natapos ang double round eliminations ng KFC-PBA Philippine Cup. Si Lim ngayon ang nangangasiwa ng mga bagay para sa Smart Gilas Philippine team. Nagtungo nga si Lim sa Estados Unidos kamakailan upang humanap ng isang Amerikano na puwedeng maging naturalized player ng Pilipinas.
Pero kauupo pa lang ni Villavicencio ay problema at kontrobersya na kaagad ang kanyang sinuong nang magkamali ang Tropang Texters sa dinalang uniporme para sa kanilang laro kontra San Miguel Beer sa Zamboanga City noong Enero 16.
Natuloy naman ang game na iyon matapos ang one hour delay at dumating naman ang tamang uniporme ng Tropang Texters. Nagwagi ang Talk ‘N Text, 93-91, upang magtapos nang may 11-7 record sa elims at makadiretso sa best-of-five quarterfinals laban sa Barangay Ginebra. Pinagmulta nga lang ng PBA Commissioner’s Office ng P50,000 ang Talk ‘N Text dahil sa kontrobersya.
Sa quarterfinals ay nagwagi ang Tropang Texters laban sa Gin Kings sa Game One (107-92) at Game Two (106-105) para sa 2-0 abante at napunta sila sa posisyon kung saan puwede nilang ma-sweep ang serye.
Sa puntong iyon ay masasabing successful si Villavicencio bilang team manager at nakakantiyawan nga siya na okay lang magmulta ng P50,000 basta 3-0 naman ang kanyang record.
Nobody can argue with success, ‘ika nga!
Pero tila hinahabol ng kontrobersya ang termino ni Villavicencio bilang team manager.
Matapos na matalo ang Talk ‘N Text sa Barangay Ginebra sa Game Three (102-97), hayun at nag-walkout ang Tropang Texters isang minuto bago natapos ang first quarter ng Game Four noong Biyernes.
Siyempre, pagmumultahin na naman ang Talk ‘N Text at sa ilalim ng alituntunin ng liga ay hindi ito bababa sa P500,000. At siyempre, si Villavicencio na naman ang humarap kay commissioner Sonny Barrios para magpaliwanag hinggil sa nangyari kahit na hindi naman siya lang ang nagdesisyon para mag-walkout ang Tropang Texters.
Sakit ng ulo ha!
Well, kaya naman ni Villavicencio iyan, e. Kung malalampasan niya ang ganitong klaseng pagsubok, sisiw na ang lahat ng ibang problemang darating.

BANDERA, 020810

Read more...