Martin minumura ng mga Kapuso viewers sa ‘The Gift’

ALDEN RICHARDS AT MARTIN DEL ROSARIO

Nagsisimula nang makita ni Alden Richards sa kanyang role bilang bulag na si Joseph sa The Gift ang mga magaganap sa hinaharap.

Sa panaginip pala nakikita ng bumibida sa serye ang mga maaaring mangyari, ang una niyang madalas na napapanaginipan ay ang kaibigan nilang pari (na ginagampanan ni Leandro Baldemor) na nakahiga sa kabaong, kaya ganu’n na lang ang kanyang pag-alala.

Hindi alam ni Sep na totoong pinagbantaan na ng kampo ng kanyang mga kalaban ang pari, huwag daw itong nakikialam tungkol sa naganap na pambobomba, dahil malalagay ang kanyang buhay sa alanganin.

Napakaguwapo pala ni Alden sa mga eksenang basta nakatitig lang siya sa kawalan dahil sa pagiging bulag niya.

Panalo ‘yun para sa kanyang mga tagahanga na kilig na kilig sa kakisigan ng Pambansang Bae.

Pero ang komento ng kaibigan naming si Liza (huwag daw ilalagay ang kanyang apelyido dahil may posisyon ito sa isang government office) na talagang sumusubaybay sa serye, “Hindi kaya mapapanaginipan ni Sep na si Martin del Rosario ang nakahiga sa kabaong? Sobra na ang kasamaan ng hayup na Jared na ‘yun!

“Siya ang dahilan kung bakit nabulag si Sep, siya ang dapat mawala sa mundo, walanghiya siya!” tawa kami nang tawa sa reaksiyon ng aming kaibigan.

Apektado na ngayon ang mga tagasuporta ni Alden Richards sa takbo ng kuwento ng The Gift.

Nagiging personalan na ang kanilang komento. Na positibo para sa mga artista dahil napapansin ang husay nila sa pagganap.

Read more...