Mangingisda patay sa buwaya

NASAWI ang isang mangingisda matapos kagatin at tangayin ng buwaya sa Balabac, Palawan, Martes ng gabi.

Patay na nang matagpuan si Junick Husin, 20, residente ng Brgy. Salang, ayon sa ulat ng MIMAROPA regional police.

Naganap ang insidente dakong alas-7:30, sa bahagi ng dagat na malapit sa Sitio Caguisan ng Salang.

Bago ito, nagtungo sa dagat noong umaga si Husin at Edgar Legazpi, 32, upang mangawil.

Pauwi na ang dalawa sakay ng bangka nang tangayin umano ng buwaya si Husin, ayon sa ulat.

Dahil sa pag-atake ng malaking hayop, nawasak ang bangka at nakita ni Legazpi na kagat-kagat pa ng buwaya si Husin sa ulo, bago ito lumubog sa tubig.

Agad nagtungo si Legazpi sa pampang at humingi ng saklolo sa mga residente, na humanap at nakapatay sa buwaya.

Nasa bibig pa ng hayop si Husin nang matagpuan.

Ito na ang ikaapat na naiulat na insidente ng pag-atake ng buwaya sa Balabac mula Agosto.

Sa tatlong naunang insidente, na pawang mga binatilyo ang nabiktima, dalawa ang nasawi at isa ang nakaligtas bagamat nasugatan.

Naniniwala ang mga awtoridad sa Balabac na nasa “breeding season” ang mga saltwater crocodile sa kanilang lugar, kaya tila agresibo ang mga ito at dumadalas ang pag-atake sa tao.

Read more...