Bidang aktor sa serye power tripper: Kung ano ang gusto n’ya yun ang masusunod

MARAMING nag-aalala na baka isang araw ay wala nang matira sa mga orihinal na bahagi ng isang malawakang serye sa telebisyon.

May mga nag-alisan nang direktor, ang pinakahuli ay ang scriptwriter ng programa, hindi kasi nila nakakasundo ang bumibida sa serye.

Kuwento ng aming source, “‘Yung original na head ng mga scriptwriters, e, nag-resign na. Hindi na kasi niya nakayanan ang pressure, nahihirapan na siya, maraming gustong mangyari ang kanilang bida na kadalasan, e, hindi naman puwede!

“Nawawalan na siya ng ganang magtrabaho dahil pinakikialaman ng bida nila ang script, hindi puwedeng mag-start ang taping hanggang hindi approved ng bida ang laman ng sinulat nila.

“Nakatengga ang lahat sa set hanggang wala ang bumibida dahil gusto niya munang malaman kung ano ang mga eksenang gagawin. Ganu’n kahirap katrabaho ang main star ng serye,” napapailing na unang chika ng aming impormante.

Hindi naman pala sana aalis ang sumusulat ng kuwento ng serye, pero pinayuhan ito ng kanyang mga kasamahan at kaibigan, kailangan unahan na nito ang magiging desisyon ng kanilang bida.

Patuloy ng aming source, “Ganu’n din naman ang magiging senaryo, tatanggalin din siya, kaya ang sabi ng mga mas nakakaalam, e, unahan na niya ang mangyayari.

“So, nag-resign na lang ang scriptwriter, hindi na niya hinintay pang tanggalin siya dahil sa madalas niyang pagkontra sa mga gustong mangyari ng bida nila! Nakakaloka, di ba naman?” gulat na kuwento uli ng aming impormante.

Nu’ng minsang magkita-kita nang hindi sinasadya ang mga dating nagtatrabaho sa nasabing serye ay nag-apiran na lang sila.

“Marami silang nag-alisan na sa programa, masyado na kasing pinanghihimasukan ang trabaho nila, para ano pa nga naman at mag-i-stay pa sila du’n kung hindi naman nirerespeto ang capacity nila?

“Power tripper ang bida nila, kung ano ang gusto niya ang kailangang masunod. One day, e, isa lang ang mangyayari, ang ilalagay sa credits ng serye, e, written and directed by at pinagbibidahan ng isang tao lang!

“Siya na ang lahat-lahat, tutal naman, e, matindi ang paniniwala niya sa talent niya, kayang-kaya niyang magdirek, magsulat, habang siya rin ang bumibida!” pabuntong-hiningang pagtatapos ng aming source.

Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, walang clue, pero siguradong matutumbok n’yo kung sino ang bumibida sa kuwentong ito.

Read more...