MATAPOS ang limang buwan ng sunod-sunod na pagbaba, tataas ngayong buwan ang singil sa kuryente ng Manila Electric Company.
Ayon sa Meralco tataas ng P0.0448 kada kiloWatt hour ang singil sa Oktobre o mula P9.0414 ay magiging P9.0862 kada kiloWatt hour.
Nangangahulugan ito ng halos P9 pagtataas sa residential consumer na kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan.
Ang pagtaas ay dulot ng mas mahal na generation charge na sinisingil ng mga planta ng kuryente. Mula P4.5191 kada kWh noong Setyembre ay tumaas ito sa P4.5406.
“The increase is due to a smaller Net Settlement Surplus refund for October from the Wholesale Electricity Spot Market. WESM charges decreased by P0.5290 per kWh driven by an improved power supply situation in the Luzon grid as there were fewer power plants on outage during the supply month.”
Noong Setyembre ang ini-refund na NSS ay P684 milyon at ngayong buwan ay P381 milyon.
Bumaba rin ang presyo ng kuryente mula sa Independent Power Producers ng P0.1512/kWh dahil sa mas malakas na piso kontra dolyar.
Tumaas naman ang transmission charge sa mga residential customers ng P0.0249/kWh at ang buwis at iba pang singil ng P0.0016/kWh.
Hindi naman nagbago ang distribution charges na sinisingil ng Meralco.