GALIT na galit si Robin Padilla sa mga bumabatikos sa mga artistang sumama sa five-day state visit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Russia.
Ayon sa ilang netizens baka raw taxpayers money ang ginamit ng mga celebrities sa pagsama sa delegasyon ng Pangulo. Bakit daw kailangang bumuntot pa sila kay Duterte hanggang Russia, e, wala naman silang official business doon.
Ayon sa Malacañang, walang ginastos ang gobyerno sa pagsama ng mga celebrities sa Russia tulad nina Cesar Montano, Moymoy Palaboy at Phillip Salvador.
Kahapon sa pamamagitan ng Facebook, ipinost ni Phillip ang live video ni Robin kung saan tinalakan ni Binoe ang mga kumukuwestiyon sa mga kapwa niya artista na sumasama sa state visits ni Pangulong Digong.
“Kailangan kong ipagtanggol yung mga kaibigan ko, nagbabasa ako kanina, may mga nakikita ako diyan. Binabanatan niyo si Kuya Ipe, si Cesar Montano, at si Moymoy bakit sila nasa Russia.
“At kung sasabihin ng mga bumabatikos na ito na yung mga kaibigan ay binili, nilibre ng pamasahe, hindi po totoo ‘yan. Kami ang bumibili ng pamasahe po namin.
“Ang mga hotel namin, ang nagbabayad niyan, kami. Mukha ba kaming walang pera? Pambihira naman kayo, o. May pera po kami at yung perang ‘yan ay gift sa amin ‘yan ng mga taong sumusuporta sa amin.
“At kapag pumupunta po kami sa abroad, kasama namin ang mahal na Pangulo, si SBG (Sen. Bong Go) at ang gabinete, hindi naman po kami nakikisama sa kanila, sa kainan nila, sa kung saan-saan, hindi po.
“Sarili namin, walang kahit isang pulitiko ang tinanggapan namin ng kahit pera o pabor. May pera din kasi kami, si Kuya Ipe, may pera si Cesar. Si Moymoy Palaboy, napakagaling na entertainer niyan, hindi ‘yan humihingi ng pera kahit kanino,” tuluy-tuloy na paliwanag ni Robin.
Pagpapatuloy pa niya, “Nagpupunta kami, sumasama kami sa Presidente, hindi dahil sa kung anu-anong official business.
“Sumasama kami dahil para sa mga Pilipino, tandaan niyo po ‘yan. Mga Pilipinong nandun sa Japan, sa Russia, kung saan saan kami napunta.
“Ini-entertain namin ang mga Pilipino na walang bayad. Naintindihan niyo yun? Sa mga bumabatikos sa mga artista na pumupunta sa abroad.
“Abono. Nilalahat ‘yan, abono. Wala, singko? Wala. Nagseserbisyo lang kami sa mga OFW natin. Kasi yung mga OFW, yun ang mga tunay na bayani,” aniya pa.
Hinamon pa ni Binoe ang kanilang mga kritiko bilang kakampi ni Duterte, “Yung mga bumabatikos, kayo ba nagbabayad ng tax? Puwede ba tayo magyabangan bago niyo kami tirahin?
“Bago niyo tirahin si Kuya Ipe, bago niyo tirahin si Cesar, bago niyo tirahin si Moymoy, at ibang artista. Maglabasan nga tayo kung magkano ibinabayad natin sa tax?
“Hinahamon ko kayo, kahit kayong mga pulitiko na bumabanat sa amin, maglabasan nga tayo ng tax. Pakitaan tayo, kung sino sa atin ang sumusunod sa batas.
“Kung sino sa atin ang sumusunod sa patakaran sa Pilipinas.”
Pinatamaan din ng action star ang Oposisyon, “Naku sorry, ha, ayoko kayong banatan kasi ayoko na talaga, ayoko na. Stress kayo sa akin, e, kayong oposisyon, stress kayo.
“Pero putragis, nanahimik yung mga kaibigan ko, babanatan ninyo? Pambihira, oo. Pasensiya na po.”