LIMA katao ang nasawi at apat pa ang nasugatan nang sumalpok ang sinakyan nilang Tamaraw FX sa isang 10 wheeler-truck sa Gumaca, Quezon, Sabado ng umaga.
Dead on the spot ang driver ng FX na si Jimmy Bron, 42, residente ng Makati City; at mga sakay niyang sina Razel Bron, Emmanuel Junel Sagrit, at JM Bron, ayon sa ulat ng Quezon provincial police.
Dead on arrival ang isa pang pasahero na nakilala bilang si Francisco Joel Butardo, 40, residente ng Antipolo City, Rizal.
Itinakbo sa pagamutan ang iba pang skay ng FX na sina Fritcie Joyce Butardo, 14; Fatima Jade Butardo, 20; Edna Butrado, pawang mga taga-Antipolo; at Ulpiano Clores, 35, ng Camarines Sur.
Kritikal ang lagay ng isa sa mga sugatan, ayon sa pulisya.
Naganap ang insidente sa bahagi ng Maharlika Highway na sakop ng Brgy. Bamban, dakong alas-5:45.
Minamaneho ni Jimmy Bron ang FX (WTB-323) patungong Bicol region nang lumipat sa kabilang lane at nasalpok ang trak na minamaneho ni Gerome Villar, 40, patungong Maynila.
Sinubukan pa umanong iwasan ng trak ang FX, pero inabot pa rin ang mas maliit na sasakyan.
Lumabas sa imbestigasyon na nakaidlip ang driver ng FX, ayon sa pulisya.
Hinahandaan na ang truck driver ng kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, physical injuries, and damage to property. (John Roson)