SUMAKABILANG buhay na ang veteran film and movie actor na si Tony Mabesa kagabi sa edad na 84.
Sa kanyang Facebook status, kinumpirma ng kilalang screenwriter na si Floy Quintos ang pagpanaw ng beteranong aktor.
“We, the family of Antonio Mabesa, are saddened to announce his passing . Sir Tony joined his creator at 10:20 this evening.
“He was surrounded by family and friends.
“Details of the wake will be announced tomorrow.
“We thank you for your prayers. We hope you can respect the family’s wish for privacy at this time.”
Bumaha naman ng mensahe ng pakikiramay mula sa mga nakatrabaho at kaibigan ni Tony sa movie and TV industry. Karamihan sa mga ito ay nagsabing sinundan na raw ng aktor sa kabilang buhay ang kanyang kaibigan at co-star sa award-winning movie na “Rainbow’s Sunset” na si Eddie Garcia.
Naging maingay ang nasabing pelikula sa 2018 Metro Manila Film Festival dahil sa gay theme nito kung saan gumanap na lovers ang dalawang aktor. Dito rin nanalong Best Supporting Actor si Tony Mabesa.
Binansagan ding “Lion of the Theater” ang aktor ng kanyang mga kasamahan sa teatro dahil sa pagiging isa sa mga haligi ng Philippine theater.
Siya ang nagtatag ng Dulaang UP at UP Playwrights sa University of the Philippines. Nagsilbi rin siyang mentor ng ilan sa mga kilalang theater actors na napapanood na rin ngayon sa pelikula at telebisyon kabilang na ang mag-asawang Nonie Buencamino at Shamaine Centenera, Eugene Domingo, Irma Adlawan, Neil Ryan Sese at marami pang iba.