Kilalang aktor sumpungin, mabilis uminit ang ulo kaya iniiwasan ng mga katrabaho

UMAAPELA ang isang source kung bakit puro babaeng personalidad lang ang naba-blind item tungkol sa pagiging sumpungin. Marami rin kasing male personalities na parang babae kung mag-inarte at atakihin ng pabagu-bagong mood.

May mga bagets, meron ding matatagal nang artista, nakasama na sa trabaho ng impormante ang male personality na tinutukoy nito.

Kuwento ng source, “Bakit palaging girl ang bumibida sa pagiging sumpungin? May mga lalaking artista rin na ganu’n, mahirap hulihin ang mood, sumpungin!

“Tulad na lang ng isang male personality na hindi na bagets pero hindi pa rin naman sobrang katandaan.

Mahirap ispilengin ang ugali niya!

“Nakakatakot siyang i-approach kapag wala siya sa mood, kasi action ang linya niya, baka bigla na lang siyang manipa at manuntok!” unang chika ng impormante.

Kilalang-kilala na ang action star na ito sa dami na ng pinagbidahan niyang pelikula. Kumikita ang mga proyekto niya, hinahangaan siya, pero may kakaibang ugali pala ang lalaking personalidad na ito?

Patuloy ng aming source, “Mahirap siyang pakisamahan, ang mga utility nga sa set, e, sobrang ilag na ilag sa kanya. Kasi nga, hindi siya marunong makiusap, palagi siyang pautos kung magsalita!

“Natural, hindi ‘yun nagugustuhan ng maliliit niyang kasamahan sa production. Puwede nga naman silang utusan, pero huwag naman sanang pasinghal!

“Kaya malayo ang loob sa kanya ng mga utility, mas gusto pa nga nilang pakisamahan ang mga kontrabida, e! Naturingan silang kalaban ng bumibida, pero sila pa ang mababait sa mga utility!” dagdag na chika pa ng aming impormante.

Kaya naman hindi nakapagtataka kung bakit walang nagtatagal na karelasyon ang pabaril-baril at pasuntok-suntok na male personality.

Pagtatapos ng aming source, “O, di ba, sa break-up nauuwi palagi ang pakikipagrelasyon niya? Kahit nga ang nanay ng mga anak niya, e, hindi na kinaya ang ugali niyang ganu’n, di ba?

“Mabilis kasi ang mga kamay niya, mahirap siyang magulat, sumpungin siya! Kumakawala agad ang mga kamao niya! Sa wakas, sabi nga ng wife niya nu’ng magkahiwalay na sila, e, nakatakas na rin daw siya sa golden cage!

“Saka pa lang nagkaroon ng sunshine sa buhay niya nu’ng tapos na ang relasyon nila ng sumpunging male personality!” nakataas ang kilay na huling sultada ng aming source.

Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, bigay na bigay na kung sino siya, ha?

Read more...