SAKSI kami kung paano ginawa ng baguhang action star na si Javi Benitez ang buwis-buhay na mga eksena niya sa pelikulang “Kid Alpha One”.
Walang double ang binata sa mga maaaksyong eksena na kinunan sa isang mabundok na lugar sa Tanay, Rizal. Talagang palakpakan ang production staff pati na ang direktor nilang si Richard Somes pagkatapos makipagbarilan sa kabundukan at sumirku-sirko si Javi sa putikan.
Kahit kami at iba pang members ng entertainment media na bumisita sa shooting ay napasigaw at pumalakpak dahil sa galing ni Javi sa kanyang action scenes. Sabi nga ni Direk Richard, hindi sila nagkamali sa pagpili sa binata para bumida sa “Kid Alpha One”.
Nakachikahan namin si Javi during their shooting break at dito nag niya naikuwento kung gaano siya passionate sa pagiging artista. Sa mga hindi pa nakakaalam, anak siya ni Ilocos Norte Rep. Albee Benitez na nagtapos ng kursong Political Science sa kolehiyo.
“Passion ko talaga ang pag-arte. I played as a lead actor sa isang play noong college. Kaya pagbalik ko sa Pilipinas, that’s when I wanted to join Star Magic workshops. Kaya ngayong nakapasok na ako sa showbiz, talagang pagbubutihan ko and I will give more than 100% sa pelikulang ito,” pahayag ni Javi.
“Ever since I was young, I’m a huge fan of action. I used to watch Jackie Chan and Jet Li movies. My progression from the first day of shooting until now, with the guidance of my directors, made me grow a lot as actor,” dagdag pa ng binata.
Makakatambal niya rito si Sue Ramirez na talagang first choice nila para sa role nito, “I have so much respect for her both as artist and person. Many people tell me na wala siyang arte, she’s very professional. And true enough, she’s so easy to get along with.”
Puring-puri rin ni Sue ang binatang aktor, “He is dedicated to his work, talagang kinariri niya ang training para sa role niya. Hindi siya nagrereklamo kahit napakahirap ng kanyang mga action scenes. Even if it’s late and he still has to do action scenes, he doesn’t say anything. Kaya ikaw, mahihiya ka ring mag-complain.”
***
Siyempre, mawawala ba sa isang action movie ang intimate scenes ng mga bida. Sa “Kid Alpha One” nagtiwala lang daw sina Javi at Sue kay Direk Richard Somes sa kanilang mga maiinit na eksena, “This is my first work, so with the kissing scene medyo kinabahan pero she made it easy for me,” sabi ni Javi.
Para naman kay Sue, “It’s the most romantic scene I have shot after a long time. Well taken care of kami sa mga eksena. You won’t look at it as malaswa, bastos, it’s not going to be like that. It’s a very beautiful scene.”
Todo puri rin si Direk Richard kay Javi, “He’s a revelation. The industry needs him na at least may bagong mukha, may bagong leading man na. There’s a lot of things na madidiscover mo sa kanya. We realized that we have this successful progression with him.
“More than his physicality and his action, but also how he connect with his acting piece. As an action star, it’s also important that he also connects with his co-actors,” pahayag pa ng direktor.
Dagdag pa ni Direk Richard patungkol kay Javi, “Pwede siyang maging Pinoy version nina Marlon Brandon and James Dean. Sabi ko sa kanya, ‘you should be a man’s man.’ Dapat you should be an alpha.
Importante na nag-i-standout ka, larger than life ka.”
Umaasa ang direktor at ang Brightlights Productions na hindi lang dito sa Pilipinas maipalalabas ang “Kid Alpha One” dahil talagang mala-Hollywood ang datingan nito.
“Our key staff here are Filipinos, para at least when we show it to international market, we’ll have a certain pride na ‘Kaya pala ng Pinoy, kaya ng mga Pinoy na artista, kaya ng mga Pinoy na staff, na trainers.’ So, that inspired me to push the film farther,” sabi pa ni Javi.
Makakasama rin sa “Kid Alpha One” sina Christoper de Leon, Tonton Gutierrez, Joross Gamboa, Jeffrey Tam, Carla Humphries at ang boksingerang anak ni Joel Torre na si Marela Torre.