Alden sunud-sunod ang mga pasabog sa ‘The Gift’

ALDEN RICHARDS

Painit na nang painit ang daloy ng istorya ng The Gift na pinagbibidahan siyempre ng Pambansang Bae na si Alden Richards. Tapos na raw ang mga eksenang pa-cute lang, sabi ng mga kaibigan naming nakatutok sa serye, malalim na ang kuwento ngayon ng The Gift.

Nakaligtas si Joseph sa pagkabaril sa kanyang ulo, pero ayon sa kanyang mga doktor ay hindi na siya makakikita, naapektuhan ang kanyang paningin sa matinding operasyong pinagdaanan niya.

Natural, masikip ang dibdib na tinanggap ‘yun ng pasyente maging ng kanyang mga mahal sa buhay at mga kaibigan, ang pagpapaliwanag ng kanilang kura paroko ang nakapagpaluwag ng kalooban ni Sep.

Tawa kami nang tawa sa komento ng aming kaibigan-kaklase sa kolehiyo na gabi-gabing tumututok sa The Gift, ang kanyang sabi, “Nakita mo ‘yun? Napakagaling na ngang umarte ni Alden! Napanood mo ba ang eksenang magkausap sila ng paring si Leandro Baldemor?

“‘Yung parang sinusumbatan niya ang Diyos kung bakit siya pinabayaang mabulag? Ang galing-galing niya sa eksenang ‘yun!

“Cristinelli, ang request ko, ha? Kapag sinulat mo sa column mo ang kuwento ko, e, huwag mo akong lalagyan ng apelyido!

“Name ko lang, huwag pati ang surname ko, alam mo naman kung ano ang trabaho ko! Kakantiyawan ako sa office ng mga kasamahan ko!” nakakatawang paalala ni Liza.

May sorpresang hatid kay Joseph ang pagkabulag niya, ‘yun ang magbibigay sa kanya ng kapasidad na makita ang mga magaganap sa kinabukasan, mas nagiging interesante na ngayon ang ikot ng kuwento ng The Gift.

Read more...