BINIGYAN ng bagong flavor ni direk Jason Paul Laxamana ang youth-oriented films sa bago niyang obra na “Ang Henerasyong Sumuko sa Love.”
Lutang na lutang ang bagong atake niya sa kuwento ng mga millennials na dumaraan sa iba’t ibang klaseng pagsubok sa buhay, pag-ibig at sa career.
Ilang beses nang napanood ng writer-director ang kanilang pelikula pero naantig pa rin siya nang mapanood ito sa big screen sa ginanap na premiere night last Tuesday sa SM Megamall cinema 7.
“So kinakabahan ako kung ganoon din ba ang mararamdaman ng audience kapag pinanood nila. Kaya nagpapasalamat ako sa wonderful performance ng buong cast,” saad ng director nang hingan ng reaction after ng premiere night.
“Tuwang-tuwa ako sa pelikula. Sobrang excited ako na mapanood na ito ng mga tao, ang ganda ng pagkabuo ni Direk Jason,” saad ni Albie Casiño na gumaganap na live in partner ni Myrtle Sarrosa.
Rebelasyon din sa pelikula si Tony Labrusca na may big reveal sa huling bahagi ng pelikula. Take note, this time hindi exploited ang kanyang katawan, huh! Pero may pasilip din naman siya sa movie.
“This is really a millennial movie. Every kind of millennial ay siguradong makaka-relate sa limang main characters. Iba’t ibang challenge kasi ang pinagdaanan nila and I know marami ring nangyayaring ganito sa tunay na buhay.
“Na-touch ako kasi sa huli nakita ko ‘yung totoong relationship naming ng barkada,” ang pahayag naman ni Tony.
“Nakakatuwa at nakaka-proud. Nakita naming lahat ang pinaghirapan namin. ‘Yung reaction ng manonood, nakakatuwa. Sabay silang tumatawa, sabay na umiiyak. Kaya sana maraming magbabarkada ang makapanood,” pahayag ni Jane Oineza na trying hard na vlogger ang role sa movie. Talagang tawanan ang audience sa mga eksena niya as desparate vlogger.
“Hindi ko ini-expect ang reactions ng tao sa pelikula. Sobrang proud ako sa aming lahat, nagulat din ako na ganu’n yung kinalabasan, ang ganda, nakaka-touch,” ang sey ni Myrtle.
Nakaw-eksena naman si Jerome Ponce sa role niya bilang mayamang bading. Daring siya sa ilang scenes kasama ang iba’t ibang lalaki. Maelyang beki ang karakter niya sa movie.
Pero ang mas tinilian ay ang mga landian at shower scene nila ng Kapuso actor na si Anjo Damiles na palaban din sa pagpapakita ng katawan.
“Sa tingin ko, kaya pa! Really touching at hindi ito about love lang. Sa last part makikita ninyo ang surprise!” diin ni Jerome.
Binigyan ng Grade B ng Cinema Evaluation Board ang bagong pelikula ng Regal Entertainment at Rated PG naman mula sa MTRCB. Palabas na ito ngayon in cinemas nationwide.