Mala-Meryl Streep ang emote ng Teleserye Queen na si Judy Ann Santos sa bago niyang primetime series sa ABS-CBN, ang Starla.
Sa grand mediacon ng Starla kahapon, sinabi ni Juday na tapos na ang panahon ng pang-aapi at pananakit sa kanya dahil ilang taon din niyang ginawa ito sa kanyang mga teleserye at pelikula.
Sa Starla bida-kontrabida ang role ni Juday bilang si Teresa, isang malupit at powerful na abogado na gustong maghiganti sa kanyang pinanggalingang baryo na itinuturing niyang simbolo ng pagkatalo at masakit na alaala.
“Ang peg namin kay Teresa ay si Meryl Streep sa Devil Wears Prada. Pinanood ko siya nang ilang beses para pag-aralan ‘yung pagsasalita niya, ‘yung paglalakad niya pati ‘yung pagiging impakta niya,” kuwento ng TV host-actress.
Bukod sa pagdadamit nang bonggang-bongga, pinag-aralan din ni Juday ang mga legal terms dahil nga isa siyang lawyer. Nag-enjoy naman daw siya bilang kontrabida at pagiging impakta sa Starla at sana raw ay makagawa pa siya ng mga ganitong klaseng projects in the future.
Mapapanood na ang Starla sa Oct. 7 sa Primetime Bida after Ang Probinsyano, kapalit ng The General’s Daughter, directed by Onat Diaz, Darnel Villaflor and Jerome Pobocan.
Makakasama rin dito sina Joel Torre, Joem Bascon, Raymart Santiago at ang mga child stars na sina Enzo Pelojero bilang Buboy at Jana Agoncillo as Starla, with the special participation of Tirso Cruz III and Charo Santos.