“KUNG anuman ang kayang gawin ng kalalakihan, kaya ring gawin ng mga kababaihan!” ‘Yan ang muling pinatunayan ni Angel Locsin sa nalalapit na pagtatapos ng primetime serye niyang The General’s Daughter sa ABS-CBN.
Para kay Angel, “it’s mission accomplished” dahil nga inakala niya noon na baka hindi na niya kayang mag-aksyon matapos magkaroon ng problema sa kanyang likod. Kung matatandaan, nag-resign si Angel sa “Darna” matapos payuhan ng kanyang doktor na hindi muna siya pwedeng gumawa ng mga delikado at matitinding action stunts.
“Na-prove ko naman na kaya ko pa. Ito iyong sinasabi nila na kung ano po iyong kayang gawin ng kalalakihan, kaya rin naming gawing mga kababaihan,” pahayag ng Kapamilya actress sa ginanap na thanksgiving presscon ng Dreamscape Entertainment para sa finale week ng The General’s Daughter.
Samantala, magpapahinga muna si Angel after ng TGD at maglalaan din daw siya ng sapat na panahon para sa preparasyon ng kasal nila ni Neil Arce. Pero mabilis na nilinaw ng aktres na hindi siya magku-quit sa showbiz.
“Pagkatapos ng The General’s Daughter ayusin ko muna ‘yung health ko ulit, sa dami ng binagsak ko, magpapapagaling po ulit ko and ayusin ko po kasal ko. I think ‘yun po ‘yung mas malaking challenge, mas mahirap na challenge po na papasukin ko and good luck na lang po talaga sa akin,” pahayag ng award-winning actress.
“Meron pa po akong four na pending movies po sa Star Cinema na kailangan ko pong gawin bago ko po matapos ang contract ko. Ayaw ko po munang pag-usapan kasi ako kasi kapag wala pa talaga sa harap ko hindi pa talaga siya tuloy eh,” aniya pa.
Dagdag pa ng dalaga, “Ako kasi five years ‘yung break ko so gusto ko magtrabaho ulit pero I think siguro for a few months magpapahinga muna ako. May aasikasuhin muna ako na mga personal and then back to work again.”
***
Samantala, kasing-tindi ng trending action stunts ni Angel ang mga pasabog, bakbakan, at nakakaantig na mga eksena ng mga karakter sa The General’s Daughter para tapusin ang kanilang huling misyon sa nalalapit nitong pagtatapos sa Okt. 4.
Handog ng pinakamalaking teleserye ng 2019 ang makapagil-hiningang byaheng puno ng aksyon at emosyon para wakasan ni Rhian (Angel) ang kasamaan ni Tiago (Tirso Cruz III), na nananatiling uhaw sa kapangyarihan.
Walang ibang alam kundi dahas, idadamay ni Tiago sa kanyang plano ang libo-libong inosenteng buhay para pabagsakin ang militar at gobyerno at maging pinuno ng bansa. Plantsado na ang pagbabanta niya sa tulong ng sikretong tauhan niyang si Cinco (Mercedes Cabral), na nagpapanggap bilang isang senador na kinasusuklaman ang mga terorista.
Ngunit nauubusan na ng oras si Rhian, dahil kasabay ng paghahanap nila nina Marcial (Albert Martinez) at Franco (Paulo Avelino) kay Tiago ay ang patuloy ding pagtugis sa kanila ng mga otoridad.
Sa kabila ng pagdurusa ni Corazon (Eula Valdez) dahil sa pag-aalala para sa kanyang mag-ama, tuluyan namang umaklas si Amelia (Janice de Belen) mula sa layunin ng asawa niyang si Tiago at hiniwalayan na ito para magsimula ng bagong buhay kasama ang batang anak nila.
Magtagumpay kaya si Rhian na linisin ang kanyang pangalan at pigilan ang masasamang plano ni Tiago para sa bansa? ‘Yan ang abangan sa huling linggo ng General’s Daughter sa ABS-CBN after Ang Probinsyano.