Simula na ang “sisiran” sa primetime bukas dahil pilot telecast na ng bagong Kapuso series na One of the Baes. Bida rito ang hot na hot na loveteam nina Ken Chan at Rita Daniela.
Ang bilis ng development ng acting career ni Rita matapos lumutang at bumandera ang matinding chemistry nila ni Ken sa Kapuso afternoon series na My Special Tatay, huh!
Yes, magaling siyang kumanta pero pagdating sa aktingan ay laging “one of those” lang ang ginagampanan niyang role. At sa loob lang ng isang taon, nag-evolve agad siya bilang isa sa mga bankable actress ng GMA.
Same with Ken na nu’ng mabiyayaan ng acting break, ratsada at talagang nagsunu-dusnod na ang mga teleserye niya sa GMA.
Kaya nga ang sabi ng RitKen fans talagang swerte sila sa isa’t isa at sana raw ay sila na ang magkatuluyan sa totoong buhay dahil bagay na bagay sila.
Pero ang isa pa sa ikinae-excite namin sa series ay ang tarayan at banggaan nina Melanie Marquez at Amy Austria. Of course, sanay na ang mga tao sa character ni Melanie pero ‘yung makipagtalakan siya kay Amy, ibang usapan na yan!
Bukod sa dalawang aktres, nariyan pa si Roderick Paulate na balik sa pagganap bilang klosetang beki na siyang nagpasikat nang husto sa kanya noon. Kaya nga kapag ipinalalabas ang trailer ng One of the Baes ay palakpakan at tawanan ang mga tao dahil na-miss nila si Kuya Dick na mapanood sa ganitong role.
Makipagsisiran na kina Ken at Rita sa pagsisimula ng One of the Baes bukas nang gabi sa GMA Telebabad, kapalit ng The Better Woman.