Isang linggo na lang at tapos na ang The General’s Daughter. Kung inaatake ng separation anxiety ang mga artistang nagkasama-sama sa seryeng ito ay ganu’n din ang kanilang mga tagapanood.
Aminado kami, tagasuporta kami ng serye, hindi kumpleto ang aming gabi kapag hindi namin napanood ang TGD. Mabuti na lang at may paraan, may isang kasambahay kaming marunong mag-tape, kaya wala ring nakalulusot na episode sa amin.
Paminsan-minsan lang kasi tayo nagkakaroon ng palabas sa telebisyon na parang isang pelikula na ang pinanonood mo. Maganda ang pagkakabalangkas ng script, mahusay ang direktor, piling-pili at magagaling ang mga artistang gumaganap.
Wala kang itulak-kabigin sa mga gumaganap. Kani-kanyang talento ang ipinakita nina Angel Locsin, Maricel Soriano, Eula Valdez, JC de Vera, Janice de Belen, ng napakahusay na si Tirso Cruz III bilang kontrabida, Albert Martinez, Paulo Avelino, Ryza Cenon at ng pinapalakpakan namin nang harapan at talikuran na si Arjo Atayde.
Napakarami na naming napapanood na gumaganap na artistang may autism, magagaling din naman sila, pero ibang klase ang ipinakita ni Arjo bilang si Elai sa The General’s Daughter na ni minsan ay hindi namin napansin na nagpabaya sa kanyang role.
Consistent ang pagganap ni Arjo, pati ang imbay ng kanyang mga kamay, ang pagkurap ng kanyang mga mata, ang tono ng kanyang pananalita ay talagang isinapuso ng magaling na aktor, wala siyang pinabayaan.
Nakalulungkot kapag ganitong magpapaalam na ang isang seryeng natutunan mo nang mahalin. Ang isang panooring alam mong pinagbubutihan ng mga artista ang pagganap.
Hahanap-hanapin namin ang tema at daloy ng kuwento at eksekusyon ng The General’s Daughter.