Sa tuwing may bagong pelikulang ipalalabas ay parating sinasabi ng mga artistang nagsisiganap ay pressured sila dahil nga sa kanila nakasalalay kung kikita ito o hindi. At siyempre kapag hindi kumita, posibleng hindi na sila makaulit sa nasabing production outfit o kaya dadalang ang offer.
Isa nga sa kanila ang Kapuso star na si Kyline Alcantara na itinuturing na millennial actress na sikat sa mga kaedaran niya.
Marami na kaming naririnig na magagandang komento tungkol kay Kyline lalo na nang bumida siya sa seryeng Kambal Karibal noong 2017. Napanood namin siya rito at may lalim naman ang kanyang acting.
Ito marahil ang dahilan kung bakit ipinagkatiwala sa kanya ng Obra Cinema ang pelikulang “Black Lipstick” na idinirek ni Julius Ruslin Alfonso.
Sa ginanap na presscon ng “BL” ay aminado si Kyline na pressured talaga siya, “Honestly po, sobra. Nakaka-tense po maging bida and, at the same time, excited po ako na makita po ng aking mga Sunflowers (tawag sa fans niya) lahat ng mga Kapuso natin, na mabait naman po ako,” sambit ng batang aktres.
Sa Okt. 9 na huhusgahan si Kyline, “Honestly, ang dami pong tumatakbo sa utak ko ngayon na positive but, at the same time, the devil is always there. So, ang dami pong negative din pero ayoko naman po na makain ng negativity so I’m spreading positivity sa lahat. So, sana po abangan at mapanood nila,” pahayag ng dalaga.
At dahil teenager na ang dalagita sa edad na 17 ay hindi muna ang pagbo-boyfriend ang iniisip niya dahil mas gusto niyang magtrabaho at samantalahin ang pagkakataong ibinibigay sa kanya ng GMA at ng movie producers na nagtitiwala sa kanya.
Bukod kay Kyline, kasama rin sa movie sina Migo Adecer, Manolo Pedrosa, Kate Valdez, Chesca Salcedo, Nella Marie Dizon, Angel Guardian, Angelie Sano, James Teng, Nicole Villanueva, Phi Ramos, Charming Laguslad, Patricia Roxas, Thia Thomalla at Snooky Serna.
Ang “Black Lipstick” ay millennial version ng classic movie ni Snooky na “Blusang Itim”.