NAKASALAMIN si Arjo Atayde nang dumalo sa #TGDSalute mediacon para sa finale ng The General’s Daughter na napakalayo sa karakter niya sa serye bilang si Elai na may autism.
Ito’y dahil sa bago niyang pino-promote na digital series na Bagman 2 kung saan gumaganap siya bilang gobernador.
Hindi nagtagal ang aktor sa mediacon dahil kinailangan niyang bumalik sa taping ng Bagman 2 dahil malapit na rin itong umere sa iWant handog ng Dreamscape Digital at Rein Entertainment.
Pero bago umalis si Arjo ay narinig muna niya ang papuri sa kanya ng co-actor na si JC de Vera bilang si Major Ethan del Fierro na umaming nawala sa character niya bilang sundalo dahil nadala siya sa husay ng aktor.
“‘Yung namatay ‘yung father niya, di ba? Nandoon ako sa eksenang ‘yun, na-out of character ako dahil kay Arjo ganu’n siya kagaling dahil hindi naman ako dapat maiyak sa eksenang ‘yun dahil isa po akong sundalo, pero naiyak ako dahil sa kanya. So, isipin n’yo kung napaiyak niya ‘yung mga kaeksena niya sa totoong buhay, what more ‘yung viewers, di ba?” kuwento ni JC.
Palakpakan ang lahat ng nasa Dolphy Theater sa kuwento ni JC na nagsabing isa rin ‘yun sa mga most memorable scene niya sa The General’s Daughter.
Ito rin ang dahilan kung bakit napunta sa number one slot ang TGD sa loob ng dalawang araw, ibig sabihin naungusan pa nito ang nangungunang Ang Probinsyano.
Ayon naman kay Angel, group effort ang nangyari sa TGD at hindi dapat ikinukumpara sa Ang Probinsyano.
Aniya, kaya rin nila nakamit ang nasabing rating dahil na rin sa aksyon serye ni Coco Martin.
Akala namin ang Autism Society Philippines lang ang pumuri kay Arjo sa ipinakita niyang galing sa serye, pati pala ng mga kasamahan niya rito ay saludo sa kanya. Sabi nga ng kanyang nanay-nanayan na si Maricel Soriano, “Hindi lang mahusay umarte kundi napakabait na tao, marespeto, malambing, masunurin at nakikinig. Nakuha niya ang puso ko.”
Huling linggo na ng The General’s Daughter next week at abangan kung paano tatapusin ni Rhian (Angel) ang misyon niya sa mga kalaban sa pangunguna ni Heneral Tiago (Tirso Cruz III).