NINAKAW ang cellphone ng Kapamilya comedian na si Awra Briguela nang um-attend siya sa isang event kamakailan.
Sa kanyang Instagram account, ikinuwento ni Awra kung paano ninakaw ng isang babae ang telepono niya sa naganap na Trendsetter Bazaar sa World Trade Center sa Pasay.
“Sa panahon ngayon, wala ng sinasanto ang mga magnanakaw!” simulang pahayag ng aktor.
“May babaeng akala namin assistant sa isang store kasi ina-assist niya talaga kami. Tapos sabi niya sa ate ko na dun ilagay bag namin and other stuff para hindi hassle since super siksikan and madaming tao.
“Pinapasukat niya ‘ko ng mga damit na pinipili ko, tapos sabi niya ‘yung paper bag na laman ay cases ng phone, power bank, at phone ko mismo, ilagay na lang daw sa bag ng ate ko. So ako, sige. Tapos bigla siyang nagpaalam sa akin. Akala ko inutusan siya or what tapos ‘di ko namalayan nawala na pala phone ko,” aniya pa.
Mula raw alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi ay nag-ikot siya sa venue upang hanapin ang babae kasama ilang guwardya sa event, “Hindi talaga namin nakita. Nagpa-review din kami ng CCTV sa World Trade pero wala, hindi kita sa CCTV ‘yung shop kung saan nangyari ang lahat. Tinry naming tawagan and all pero nakapatay na ‘yung phone.”
Ang ikina-shock ni Awra, nakita na lang nila ang damit sa isang basurahan na katulad ng suot ng hinahanap nilang babae, “Meaning nagpalit siya ng damit, planado lahat. Tapos sinasabi ng mga tindero and tindera na akala nila kasama namin. Ang akala naman namin ng ate ko, assistant ‘yun du’n sa store.
“Nakakalungkot lang kasi first time mangyari sa akin ‘to. Sobrang daming importanteng bagay ‘yung nakalagay sa phone ko. I feel bad kasi hindi kami nag-ingat at nag-tiwala kami agad pero okay na ‘yung cellphone lang ‘yung nakuha at walang masamang nangyari sa amin ng ate ko. Hanggang ngayon, may hope pa rin ako na mababawi ko phone ko at ayokong mawalan ng pag-asa,” aniya.
Ito naman ang mensahe niya sa nagnakaw ng kanyang cellphone, “Ate, may itsura ka pa naman. Sayang ka kung patuloy mong gagawin ‘yan. Sana ‘wag mong sayangin ang buhay mo para lang sa mga bagay na gusto mo pero hindi mo makuha sa magandang paraan. I know mababasa mo ‘to at sana makunsensiya ka! Kung hindi mo man maibabalik ‘yung phone ko, I’m pretty sure na may BAD KARMA na darating sa ‘yo!
“Again, sana maisip mo na pinaghirapan at pinagpaguran ko ‘yang phone na ‘yan! Para lang mobile ko ‘yan kasi dream phone ko ‘yan, tapos kukunin mo lang nang ganon ganon? Sana ate ‘pag may gusto kang bagay, pagtrabahuhan mo! Hindi ‘yung umaasa ka sa nakaw. Ate, wala na akong ibang masasabi pa kasi nangyari na. God bless na lang sa ‘yo,” pahayag pa ng batang komedyante.
Babala naman niya sa madlang pipol, “‘Wag na ‘wag kayong basta basta nagtiwalaya gaya ng maling ginawa ko… Wala na din sa itsura ngayon kung mukhang magnanakaw ba o hindi! Kasi ‘yung babaeng nagnakaw ng phone ko may itsura, naka-rebond at brace! So wala sa mukha niya na magnanakaw siya. Kaya, guys, sana lagi kayong maging alerto sa lahat ng orqas! I hope maging aral din ‘to sa akin at sa inyo.”