NASAYANG na talaga ang mga pangarap ng isang young male personality dahil sa hindi pagtanggi sa kaway ng bisyo. Maraming hinayang na hinayang sa kinauwian ng dating maganda niyang karera sa isang malaking network.
Magaling siyang umarte, palagi siyang napapasama sa mga serye ng istasyon, binibigyan siya ng magagandang oportunidad ng mga nag-aalaga sa kanya.
Kuwento ng aming source, “Sayang, bukod sa guwapo na siya, e, magaling pa siyang umarte. May mga mata ang batang ‘yun, kaya nga niyang makipagsabayang umarte sa mga bida, e.
“Pero nu’ng matuto na siyang magbisyo, wala na, lumipad na ang mga pangarap niya, sinayang talaga niya ang mga pagkakataong ibinibigay sa kanya ng network,” umpisang chika ng aming impormante.
Minsan nang nasangkot sa kontrobersiya tungkol sa kanyang bisyo ang male personality, magmula nu’n ay parang nawalan na siya ng direksiyon, tuluyan niya nang tinalikuran ang pangarap niya.
Patuloy ng aming source, “Madalas siyang makita ngayon sa place nila na wala lang, patambay-tambay lang, nakikita siyang nakahubad, tumaba pa naman siya!
“Parang wala na siyang planong ipagpatuloy pa ang sinimulan niya. Imagine, nu’ng bagets pa siya, e, palagi niyang kaeksena ang bida sa serye, talagang inalagaan siya nang husto ng mga nagpapatakbo ng career niya.
“’Yun ang hindi niya inalagaan, sinayang niya ang chance, halos nandu’n na siya, pero ginusto pa niyang mangyari ang ganyan. Napakalaki ng sinayang niya talaga,” napapailing na kuwento ng aming impormante.
Tunog-banyaga ang pangalan ng male personality, parang itsura rin niya, tisoy ang aktor, may malakas na appeal, pero nauwi lang sa wala ang lahat ng mga katangian niya.
Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, i-Google Earth n’yo na kung sino ang dating kilalang aktor na ito na nawindang ang buhay at career dahil sa bisyo.