Fuel card walang epekto

NAPABUNTONG- hininga na lang si mamang driver ng pumunta sa gasolinahan kahapon upang magpakarga ng kurudo (diesel).
Halos P2 kada litro kasi ang itinaas ng kada litro ng diesel na siyang pinakamalaking pagtaas ng presyo ngayong taon.
Alam ni manong driver na wala naman siyang magagawa. Hindi naman aandar sa tubig ang kanyang jeepney. Kung pwede nga lang.
Gusto rin sana niyang magpa-full tank noong Lunes ng gabi bago ang pagtaas na ipatutupad ng Martes pero wala naman siyang pera. Konti lang ang natira sa pamamasada kapag inalis na ang boundary at syempre naghihintay din si misis ng uwing pera para may maipambili ng bigas at ulam sa kinabukasan.
Alam din naman ni manong na walang magagawa kahit pa si Pangulong Duterte na pigilan ang pagtaas ng presyo. Hindi naman kasi siya ang nagtatakda ng presyo.
Pero sana lang, naki-usap ang Department of Energy sa mga kompanya ng langis na utay-utayin ang pagtaas ng presyo.
Parang ‘yung ginagawa minsan ng Meralco. Sa halip na isang bagsakan ang taas presyo unti-untiin na lamang ang pagtataas. Kung sa susunod na linggo ay bumaba ang presyo e di tabla lang.
Pero hindi ganun ang nangyari at naipatupad na kahapon kaya wala na rin.
Isa pang pwedeng magawa ng gobyerno ay suspindehin muna ang buwis na ipinapataw sa diesel. Dati kasi ay wala namang buwis ang diesel pero nagkaroon sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion. Kung aalisin ang buwis, mabilis na mararamdaman ang pagbaba sa presyo.
Hindi naman daw niya maramdaman ang pagganda ng kalagayan ng kanyang buhay. At wala din naman siyang maramdaman na tulong mula sa gobyerno kung saan sinasabing napupunta ang buwis sa diesel.
May naalala siya, nakatanggap nga daw pala ‘yung operator niya ng Pantawid Pasada Fuel Card. Yung ipinamimigay ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
Kaya lang, hindi naman daw siya ang nakinabang sa fuel card kundi ang operator ng jeepney na kanyang ipinapasada. Hindi naman siya makaangal at baka palitan siya.
Ayan, hindi tuloy siya excited sa muling pamimigay ng fuel card. Wala rin naman daw epekto sa kanya.
O kaya itaas na ang pamasahe. Ano na nga daw ba ang nangyari sa automatic fare adjustment? Kulang pa raw ba ang itinaas ng presyo ng diesel para maitaas na ang halaga ng pamasahe?
Ang isa pang ikinasasama ng loob ni manong driver ay ang trapik. Ang mahal-mahal na nga daw ng kurudo nasasayang pa dahil sa trapik.

Read more...