SINABI ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Maj. Gen. Guillermo Eleazar na isang kasalukuyang opisyal ng barangay sa Sampaloc ay sinasabi ng ‘drug queen’ na nakabase sa Maynila at napaulat na nakalabas na ng bansa.
Bagamat hindi pinangalanan, ginawa ni Eleazar ang pagbubunyag sa pulong ng lahat ng pinuno ng 44 drug enforcement units na nasa ilalim ng NCRPO sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
“Ito ang sinasabi na napakadulas na ngayon ay out of the country na sinasabi nila,” sabi ni Eleazar.
Idinagdag ni Eleazar na dati ring opisyal ng barangay ang mister ng drug queen na umano’y bumibili ng ilegal na droga sa “ninja cops,” o mga pulis na nagre-recycle ng mga nakumpiskang droga.
Nauna nang sinabi ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino na nagbebenta ang drug queen ng P13.6 milyong shabu linggo-linggo sa dalawang kalsada sa Maynila.
Kasama sa listahan ng PDEA ang anim na opisyal ng pulis at isang hindi pa nakikilalang opisyal ng PNP, na umano’y nagsisilbing protektor ng drug queen.
Sinabi naman ni Eleazar na nadiskubre ng NCRPO na dalawang pangalan na nasa listahan ay kapatid na lalaki ng drug queen at iisang tao lamang, kayat limang pulis na lamang ang nasa listahan ng PDEA.
Sa kanyang meeting sa mga opisyal ng NCRPO, sinabi ni Eleazar na 11 pulis na wala sa listahan ng PDEA ang konektado rin sa drug queen.