NAKATAKAS ang isang Malaysian national matapos umanong dukutin ng mga di pa kilalang salarin sa isang hotel-casino sa Parañaque City.
Natagpuan si Wong Jun Chuan, 26, sa tapat ng isang mall sa Brgy. San Francisco, Biñan City, dakong alas-2:30 ng hapon Lunes, ayon sa ulat ng Laguna provincial police.
Sinabi sa pulisya ni Wong, pansamantalang naninirahan sa Pasay City, na dinukot siya ng di bababa sa tatlo katao sa City of Dreams, Parañaque, noong gabi ng Sabado.
Nang dalhin sa Biñan ay nakakita si Wong ng pagkakataon na tumakas, sa pamamagitan ng pagtalon mula sa isang konkretong bakod at pagtakbo palayo.
Unang namataan si Wong ng isang security guard, na nag-turn over sa kanya sa Special Reaction Unit ng pulisya na nataong nagpapatrolya sa lugar.
Itinurn-over na ang banyaga sa PNP Anti-Kidnapping Group sa Camp Crame.