MAKALIPAS ang 19 taon matapos ideklara ang polio-free Philippines, kinumpirma ng Department of Health (DOH) kamakailan na may dalawang kaso na ang naitala muli sa Pilipinas.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ang unang kaso ay naitala mula sa Lanao del Sur matapos ma-diagnose ang isang 3-anyos na batang babae. Nakuha nito ang sakit dahil sa hindi pagpapa-vaccine ng anti-polio.
Ang ikalawang kaso naman ay mula sa Laguna.
Ano nga ba ang polio?
Ang polio (o poliomyelitis) ay isang uri ng sakit na hatid ng isang virus (poliovirus) na lubhang mabilis ang pagkalat sa loob ng katawan ng tao at nagiging dahilan ng mabilis na panghihina.
Oras na makapasok ang virus sa katawan ng tao sa pamamagitan ng bibig, mabilis itong dumarami sa loob ng bituka at kalaunan ay umaatake ito sa nervous system.
Dumaraan ang virus sa gulugod paakyat sa utak na nagiging dahilan para malumpo o maparalisa ang may karamdaman nito. Kapag matindi ang epekto ng virus sa katawan at hindi agad naagapan, nauuwi ito sa kamatayan.
Ang poliovirus na pangunahing nagdadala ng sakit ay nakukuha sa dumi ng tao na maaaring maipasa sa iba’t ibang bagay at sa kapwa tao mismo kapag hindi maayos na nakapaghuhugas ng kamay ang taong naglalabas ng virus na ito sa kanilang dumi.
Maaari ring makuha ang poliovirus sa pamamagitan ng:
1. pagsubo ng mga kamay na kontaminado ng virus
2. direkting paghawak sa mga bagay na taglay ang virus
3. pagpasa nito sa ibang tao
4. pagkain at pag-inom ng mga kontaminadong pagkain at tubig
Mga sintomas ng polio na dapat mong malaman:
Matinding sakit ang polio dahil mabilis na kumakalat ang virus na ito sa iba’t ibang bahagi ng katawan partikular na sa nervous system ng tao.
Narito ang mga sintomas ng polio kapag ikaw ay tinamaan na ng nasabing virus:
1. lagnat
2. pananakit ng lalamunan (sore throat)
3. pagkahapo
4.matinding pananakit ng ulo
5. pagsusuka
6. pananakit ng likod
7. paninigas ng leeg
8. pananakit ng mga biyas
9. pamamanhid ng mga kalamnan sa binti, braso at dibdib
10. hirap sa paghinga
Paano makakaiwas sa polio:
1. Pagpapabakuna ang pinakamabisang paraan upang makaiwas sa sakit na polio. Ibinibigay ito sa mga sanggol sa ika-6, ika-10 at ika-14 na linggo.
2. Gumamit ng palikuran at panatilihing malinis ito.
3. Ugaliing maghugas ng kamay gamit ang sabon at tubig pagkatapos gumamit ng palikuran at bago kumain.
4. Siguraduhing malinis ang tubig na iinumin. Pakuluan nang tama ang tubig na inumin.
5. Siguraduhing malinis ang proseso ng pagluluto. Lutuing mabuti ang pagkain.