Bus ang bida noon sa Maynila at walang trapik

NOONG panahon ni Mayor Antonio Villegas, maraming bus ang pumapasada sa Maynila at may malalaking terminal ang mga bus na biyaheng norte sa Divisoria at Santa Cruz. Noong panahon ni Mayor Ramon Bagatsing, na martial law, bus ang bida sa Maynila. Nariyan ang JD Transit, biyaheng Pier South-Project 6, Pier South-Quezon City Hall, Quiapo-Proj 2-3, Quiapo-Project 4; MD Transit, biyaheng Pier South-Project 6, Quiapo-Project 4, Quiapo-QC Hall; DM Transit, biyaheng Pier South-Project 6, Pier South-Project 8; Yujuico, biyaheng Quiapo-Cubao, Quiapo-Project 4.

Habang nakababa ang martial law, naglalaro sa isip ni Pangulong Ferdinand Marcos na alisin na (phase out ang terminong ginamit niya) ang mga jeepney dahil konting pasahero lang ang kayang isakay ng mga ito at mababaho at marurungis ang mga tsuper nito. Kadalasan, hindi rin napupuno ang mga jeepney. Balak ni Marcos na alisin sa pangunahing mga kalye ang mga jeepney at mga bus lamang ang bibiyahe sa noon ay itinuturing na malalayong ruta sa Greater Manila Area (una rito, Manila and Suburbs). Gusto ni Marcos ang mga bus dahil bukod sa marami ang kayang isakay ng mga ito at nakabibiyahe kahit baha, naka-uniporme ang mga konduktora.

Malilinis ang kanilang mga uniporme at naka-almirol pa. Ang mga konduktora noon ay inaalalayan ang sumasakay at bumababang matatanda’t buntis, di tulad ngayon na sinisigawan na ito ng lalaking mga konduktor na hindi naka-uniporme (at mababaho rin) ng: “bilisan lang ninyo, bilis, bilis.” Nilalagpasan na rin ngayon ng mga bus ang uugud-ugod na matatanda na ibig sumakay. Disiplinado ang mga driver (na naka-uniporme rin ng khaki) ng bus noon at hindi sila bumabalagbag sa Espana, na ganoon din ang lapad noon at ngayon.

Sa Divisoria, malaki ang terminal ng provincial bus na La Mallorca at Pambusco pero di sila nakasasagabal sa trapiko ng mga AC (auto calesa), jeepney at calesa. May terminal din ang Philippine Rabbit sa Rizal ave., pero di rin nakasasagabal sa trapiko ang mga bus nito. Ngayon, papalakpak ang marami na alisin na ang mga bus sa Maynila dahil mga barumbado at haragan ang mga driver at konduktor nito. Pero, tuwang-tuwa naman ang mga kolorum na jeepney at UV Express. Gayunpaman, ganoon kami noon: disiplinado, malinis.

Ayon kina Ruffy Biazon at Danilo Lim, may mga politikong kaalyado ni Pangulong Aquino ang umaarbor sa kanila sa mga kargamento sa Customs. Bakit ayaw ninyong pangalanan ang mga tiwaling ito? Natatakot ba kayo? Sige kayo. Pag wala na sa puwesto ang kuya ni Kris, lagot kayo.

Umaalingasaw na sa basura ang Bagong Silang, Caloocan, ang barangay na nagpanalo kay Oscar Malapitan bilang mayor. Napaniwala ni Malapitan ang taumbayan na maglilingkod siya. Ano ba ang nangyari? Hihintayin pa ba ni Malapitan na magkasakit ang mga bata at mamatay dahil sa maraming bunton ng basura sa kanilang paligid? Ang langaw na mula sa mga bunton ng basura ay naitataboy pa naman ng wasiwas ng kamay kapag kumakain. Pero, ang baho ng basura ay hindi maitataboy, kailanman.

MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Kilala namin ang ilang politiko at asawa ng politiko na magagara ang terno sa SONA. Hindi namin akalain ang dalawa sa kanila ay ganoon pala karangya.
Ang kanilang mga constituents ay naghihirap sa Mindanao. Hindi na nila pinapansin ang mahihirap. …4523, ng Barangay Coleto, Bislig City

Dahil sa napakagandang terno ni madama sa SONA, malayo na talaga ang agwat ng mayaman at mahirap. …1788, ng Prosperidad, Agusan del Sur

Sir Lito, napakahirap ng buhay ngayon sa Malindang, Oroquieta City. Natapos lang ang eleksyon ay mas naghirap pa ang mahihirap. …2910.

Read more...