Mas pinadali at pinamura na ng ABS-CBN ang pagsubaybay ng Kapamilya shows at TVplus exclusive channels dahil pwede nang mapanood ang mga palabas ng ABS-CBN sa Android smartphones na hindi kailangang gumamit ng data o internet sa pamamagitan ng pinakabagong ABS-CBN TVplus Go, ang mobile version ng ABS-CBN TVplus.
Gamit ang ABS-CBN TVplus Go dongle, pwede nang mapanood ang ABS-CBN pati ang TVplus exclusive channels na ABS-CBN S+A, DZMM TeleRadyo, CineMo, YeY, Knowledge Channel, MYX, Asianovela Channel, Movie Central, Jeepney TV, at O Shopping sa Android smartphones nang malinaw.
“Maraming Pilipino ang gumagamit ng mobile phones dahil parte na ito ng kanilang pang araw-araw na buhay. Layunin namin na bigyan ang bawa’t Pilipino ng mas madali at murang paraan para makakuha ng impormasyon at makapanood ng kanilang mga paboritong palabas kahit anong oras at kahit saan,” ayon kay ABS-CBN Access head Charles Lim.
Para magamit ang ABS-CBN TVplus Go, kailangan lang i-download ang ABS-CBN TVplus Go App sa Google Play Store, i-connect ang ABS-CBN TVplus Go sa Android USB OTG (on-the-go) phone, at mag-register online para makuha ang mas maraming channels.
Isa na namang makabagong produkto ang ABS-CBN TVplus Go na inilunsad sa loob lamang ng apat na taon matapos ipakilala ng Kapamilya network ang ABS-CBN TVplus, ang unang digital terrestrial television (DTT) service sa bansa. ABS-CBN din ang unang TV network sa Pilipinas na naglunsad ng mobile digital broadcast receiver.
Sa pamamagitan ng ABS-CBN TVplus Go, madadala na ang TVplus experience ng mga Pilipino sa kanilang tahanan sa mga lugar na may digital signal kabilang na ang Metro Manila, Rizal, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Batangas, Tarlac, Pangasinan, Baguio City, Cavite, Laguna, Iloilo City, Bacolod City, Metro Cebu, Cagayan de Oro City, at Davao City.