BET mo bang gumawa ng sarili mong sapatos?
Kung hindi lang paglilinis ng sapatos ang gusto mong magawa, bakit hindi pumasok sa school of shoemakers.
At saan pa ba ito kundi sa shoe capital ng bansa—ang Marikina.
Aminado si Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro na may pangangailangan na punan ang suplay ng skilled at qualified worker sa shoe industry.
“Isa sa mga continuing problem ng shoe industry is the steady supply of labor force, yung skills konti yung natuturuan, yung nagmamana,” ani Teodoro.
Shoemaking school
Upang masolusyunan ito, magtatayo ang city government ng shoe technology school na mag-aalok ng iba’t ibang programa hindi lamang para magturo ng paggawa ng sapatos kundi maging iba pang leather goods.
Ang eskuwelahan ay magiging bahagi ng Pamantasan ng Lungsod ng Marikina. Kasalukuyang nasa proseso ng pagpapa-accredit ng kursong ito ang Marikina sa Technical Education and Skills Development Authority upang mabigyan ng National Certification ang kanilang mga graduate.
“Nasa process kami ngayon ng accreditation para makapagbigay ng national certificate for leather craft and shoe making NC I tsaka NC II.”
Iaalok ng shoe school ang anim na buwang kurso, two-year technical vocational course sa shoe making at design at four year course na may kasamang entrepreneurial skills development.
“Magaling kang gumawa ng sapatos hindi ka marunong mag-branding, hindi ka marunong mag-marketing.
Hindi rin magsu-survive and shoe making,” paliwanag ni Teodoro.
Para mas marami ang mahikayat na pumasok, libre ang matrikula sa eskuwelahan.
Dalawang taon na ang nakakaraan nang ialok sa mga junior high school ang elective subject na leather craft.
At sa senior high school ay maaari namang kumuha ng shoe making.
“Yung problem lang pag-graduate wala kasing accredited TESDA course so hindi siya ma-evaluate hindi siya mabigyan ng national certificate”
Inaasahang magbubukas na ang eskuwelahan sa susunod na school year.
Thriving industry
Thriving kung ilarawan ni Teodoro ang shoe industry sa siyudad. Nagbabago na rin umano ang industriya na naapektuhan ng pagdagsa ng murang imported na sapatos.
Kuwento ni Teodoro noong 2018 ay 250 milyong pares ng imported na sapatos ang pumasok sa bansa at 143 milyong pares ang galing sa China.
“Pero nakita rin natin na yung resurgence ng shoe industry lalo na dun sa mga small and medium scale.”
Ngayon ay dine-develop ng Marikina ang regional market ng mga sapatos nito sa pamamagitan ng mga trade fair gaya ng ginawa kamakailan sa Davao City.
“Dati ang ginagawang strategy ng Marikina City government ay mga bazaar o kaya mga shoe caravan kung may mga special events sa mga probinsya gaya ng foundation day, anniversary ng isang locality naroon nagtitinda yung mga magsasapatos natin. They have organized themselves into an association of group manufacturers na engage into shoe bazaar.”
Nagpasa ng ordinansa ang Davao City upang makapagtinda ng sapatos ng Marikina sa kanilang pasalubong center dahil ang maaari lamang itinitinda roon ay mga produkto mula sa Mindanao.
Sa unang dalawang oras ng pagbubukas ng tindahan ay nakabenta agad ng 100 pares ng sapatos.
Tumatanggap din ang bazaar ng made to order na sapatos. “O-order ka dun may catalogue dun meron dun marketing officer hindi yung mga promo or merchandizer lang ang nandun, tatanungin ka, halimbawa may hinahanap kang partikular na sapatos or may special need ka.”
Nagpakita rin ng interes sa Army boots na gawa ng Marikina ang Davao Task Force. “That would translate to 5,000 pairs of Army boots or shoes, meaning we will be needing around 200 workers to manufacture the 5,000 pairs. 200 workers, 200 jobs, 200 families earning from the jobs to be generated from the orders that we get from the trade fair.”
Ang isang small scale factory shoe factory ay nakagagawa ng 500 pares ng sapatos sa isang linggo samantalang ang large scale ay nakaka-500-1,000 pares kada araw.
Marikina vs China-made
Ipinagmamalaki ni Teodoro ang tibay ng sapatos ng Marikina at ang mga disenyo na maikukumpara sa mga gawa ng mga bansang sikat sa fashion gaya ng Italy at France.
“In terms of craftsmanship nakikita nila maganda pa rin siya ang pagkakagawa, in terms of design nakikita nila comparative ito dun sa mga imported shoes mula sa mga bansa na magagaling gumawa ng sapatos tulad ng Italya, France, European ganun, in terms of durability mas malaki ang pagkakaiba niya dun sa gawa ng China.”
Upang mas lalong mapaganda ang mga sapatos na gawa sa Marikina nag-invest ang city government sa mga equipment para sa shared service facilities.
“Meron kaming foot scanner susukatin yung (paa), kukunin yung measurement ng paa mo, laser cut yung mold o shoe last mo it can be done within 20 minutes from the scanning up to the cutting, preparation of the mold. Dun nagsisimula ang sapatos eh dun sa shoe last eh.
“Mayroon din silang testing equipment para malaman kung gaano katagal bago masira ang isang sapatos.
Kalidad ng Marikina shoes
Bukod sa paggawa ng sapatos itinuturo rin ng siyudad sa mga sapatero ang kahalagahan ng magandang produkto ay may mataas na kalidad.
“Hindi naman sapatos ang huhusgahan dun, ang huhusgahan kung saan gawa, yung city. Yun ang pinapaliwanag natin dun sa mga gumagawa ng sapatos na taga-Marikina.”