Rapper na si Loonie arestado sa drug buy-bust sa Makati, pero todo-deny

ARESTADO sa drug buy bust operation sa Makati ang kilalang rapper na si Loonie kasama ang kapatid na babae at tatlong iba pa.

Sa ulat ng Makati City Police, naganap ang anti-drug operasyon ng Station Drug Enforcement Unit kagabi sa basement parking ng isang condominium tower sa Polaris Street, Barangay Poblacion.

Dito nga nadakip si Loonie o Marlon Peroramas sa tunay na buhay, ang kapatid niyang si Idyll Liza Peroramas at sina David Rizon, Ivan Agustin, at Albert Alvarez.

Isang buwan umanong isinailalim sa surveillance operation ang grupo ng rapper bago isinagawa ang buy bust.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang 15 sachet ng kush o high-grade marijuana at buy bust money.

Ayon pa sa ulat ng Makati Police, iniabot umano ng grupo ni Loonie sa isang poseur-buyer ang isang box na naglalaman ng 15 sachet ng hinihinalang high-grade marijuana na may street value na P105,000.

Kinasuhan ng paglabag sa Sections 5 (pagbebenta ng illegal drugs) at 13 (pag-iingat ng illegal drugs) ng Article 2 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165) ang mga naarestong suspek.

Ngunit mariing itinanggi ng musikero ang bintang sa kanila. Aniya sa isang TV interview, planted ang mga ebidensya at wala raw siyang koneksyon sa illegal drugs.

“Hindi totoo lahat ng parating sa akin. Iyong mga pera at mga na sa sachet, hindi po sa akin ‘yan.

“Pumunta po kami dito para sa batang may cancer. Nanggaling pa po ako sa radio interview kanina, dumiretso ako dito at bigla na lang ganu’n,” depensa ng rapper.

Pero pagkontra ni Makati City police chief Rogelio Simon, “Tumutugma ito sa lahat ng impormasyon na ibinigay ng ating informant na karamihan ng mga activities niya ay ginagawa dito sa Makati.”

Read more...