Trak nabangin: 20 patay, 14 sugatan


DALAWAMPUNG tao ang nasawi at 14 pa ang nasugatan nang mahulog ang sinakyan nilang trak sa isang bangin sa T’boli, South Cotabato, Martes ng umaga.

Pawang mga galing sa beach at pauwi na ang mga sakay ng trak, na kinabibilangan ng 11 menor de edad.

Dinala ang mga sugatan sa Upper Valley Community Hospital ng Surallah at South Cotabato Provincial Hospital sa Koronadal City ang mga sugatan, sabi ni Minda Morante, direktor ng Office of Civil Defense-12.

Ayon kay Lt. Col. Lino Capellan, tagapagsalita ng Central Mindanao regional police, nahulog ang Forward truck (WNN-2017) sa bulubunduking bahagi ng Brgy. Lamsalome dakong alas-10.

Labing-apat sa mga sakay ng trak ang dead on the spot, aniya.

Ayon kay Msgt. Norman Caling, ng T’boli Police, minamaneho ni Robel Rabara, 41, ng Brgy. Kematu, T’boli, ang trak mula General Santos City patungong Surallah nang maganap ang insidente.

“Galing sila ng Gensan, naligo sa dagat, likely sa Tropicana. Noong pauwi na sila ng Surallah, dito sila dumaan sa T’boli,” sabi ni Caling nang kapanayamin ng Bandera sa telepono.

Nagloko ang preno ng trak habang dumadaan ito sa matarik at makipot na daan, aniya.

Tinatayang 60 hanggang 80 metro ang taas na kinabagsakan ng trak, bago ito huminto sa kawayanan.

Sa 11 menor de edad na sakay ng trak, lima ang namatay at anim ang nasugatan, ani Caling.

Dinala si Rabara at 10 sa mga sugatan sa Provincial Hospital habang tatlo pasyente ang pinayagang makauwi matapos malunasan sa Surallah, aniya.

Nakuha na ang pangalan ng ilan sa mga nasawi’t nasugatan bagamat may mga di pa makilala habang isinusulat ang istoryang ito, dahil hindi pa nagtutungo sa mga awtoridad ang kanilang pamilya.

 

Read more...