Seguridad ng mga pro athletes tatalakayin sa PH Professional Sports Summit

NAGBIGAY si Games and Amusements Board  (GAB) Chairman Abraham “Baham” Mitra (kanan) ng mahalagang detalye para sa gaganaping Philippine Sports Summit sa Setyembre 24-25 sa PICC sa kanyang pagdalo sa “Usapang Sports” forum ng TOPS sa National Press Club sa Intramuros, Maynila nitong Huwebes.

NAKASENTRO sa seguridad at pangangalaga sa career ng mga atleta ang mga isyu na tatalakayin sa kauna-unahang Philippine Professional Sports Summit na gaganapin sa Setyembre 24-25 sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.

Ayon kay Games and Amusements Board (GAB) Chairman Abraham “Baham” Mitra, isang masiglang ‘interaction program’ ang inihanda ng ahensiya sa pakikipagtulungan ng mga professional league, boxing promoters sa bansa at anti-doping agency para higit na maunawaan ng mga professional athletes ang mga kaganapan na makakaapekto sa kanilang career.

“We invited the PBA, boxing matchmakers, promoters. Ang sabong group pupunta and the Philippine Anti-Doping Agency (PHINADO) under Dr. Alejandro Pineda is coming. Maipapaliwanag nila sa mga atleta kung ano ang dapat gawin para maiwasan ‘yung mga substances na ipinagbabawal ng WADA,” sabi ni Mitra sa kanyang pagbisita sa Usapang Sports forum ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS)  sa National Press Club sa Intramuros, Maynila Huwebes ng umaga.

“Kasama rin sa topic ‘yung social media para matutunan ng ating mga atleta ang tamang approach para mas mapaganda ang kanilang imahe at career,” ani Mitra.

Ikinatuwa ni Mitra na mula nang maging Chairman ng GAB ay dumami ang mga sports na nagkaroon ng professional league.

“From basketball to boxing, of course sabong and races nandyan kami. Pero ngayon nandyan na rin ang muaythai, tennis, wrestling at MMA na nag-apply na maging pro. Mas maganda ito dahil masisiguro natin ang seguridad lalo na sa kalusugan ng mga atleta, dahil sa GAB tiyak nababantayan sila,” dagdag pa ni Mitra.

Read more...