SA kabila ng pinangangambahang pagkalat ng African swine fever sa Luzon, isang lalaki sa Sual, Pangasinan, ang inaresto para sa umano’y paggahasa sa isang baboy.
Nakaditine ngayon si Rommel Marimla, 21, habang hinahandaan ng kaukulang kaso, ayon sa ulat ng Pangasinan provincial police.
Dinampot ang suspek dakong alas-9 ng umaga, matapos ireklamo ng overseas Filipino worker na si Jomar Austria, ng Brgy. Bolaoen.
Sinabi sa pulisya ni Austria na ginahasa ng suspek ang 8-buwang baboy na nasa kanyang bakuran, at nakita pang namamaga at nagdurugo ang ari ng hayop.
Balak sana ni Austria na gamitin ang baboy para sa pagpaparami ng mga biik na maaring ibenta, ayon sa pulisya.
Hinahandaan ang suspek ng mga kasong paglabag sa Animal Welfare Act at grave scandal.
Habang isinusulat ang istoryang ito’y wala pang naiuulat na kaso ng African swine fever sa Pangasinan, kung saan madalas may maiulat na mga baboy na mula sa ibang lugar na nahaharang sa checkpoint para maiwasan ang pagkalat ng sakit.