TIGILAN na sana ng mga taong may malabigang dila ang pambabagsak kay Alden Richards.
Kailangan nilang malaman na panahon ngayon ng Pambansang Bae, walang puwedeng kumontra sa kanyang tagumpay, kusang darating ‘yun kapag tapos na ang pamamayagpag ng binatang aktor.
Hindi maganda sa panlasa ang mga bira ng mga tagasuporta ng KathNiel laban kay Alden. Lumalabis na ang mga ito, puro personal na ang kanilang upak sa singer-actor, natatakot ba kasi silang masapawan ni Alden ang kanilang idolong si Daniel Padilla?
Star Cinema na mismo ang naglabas ng mga numero, pero ano ang buwelta ng mga taong ‘yun kay Alden, huwag daw siyang masyadong asyumero dahil hindi niya mapapataob si DJ.
Nakakalungkot lang na may mga tagahanga sina Daniel at Kathryn Bernardo na hindi nag-iisip ng mga salitang ibinabato nila kay Alden.
Masyado nang personal ang kanilang mga bira, bakla raw si Alden, kaya hindi siya magugustuhan ni Kathryn. Pino lang kumilos ay becki na para sa mga ito?
Pati tuloy ang nananahimik na si BB Gandanghari sa Amerika ay nakakaladkad ang pangalan. Tiyuhin ito ni Daniel, kapatid ng kanyang ama, lantad ang pagiging bakla ng dating si Rustom Padilla na babae na ngayon ang pagpapakilala.
Sabi nga ni prop, “Kalma lang dapat sila, hinay-hinay lang, dahil mahirap sagutin ang tanong ng mga fans ni Alden kung sino ba kina Daniel at Alden ang may lahing bakla?”