Hambog na aktor kapal muks, walang utang na loob

TUSTADONG-TUSTADO ang isang nagkakaedad nang male personality nang himay-himayin ng mga magkakaumpukan ang kakaiba niyang ugali. Lahat ng nandu’n ay may kuwento tungkol sa kanya.

Hindi kagandahan ang mga kuwento, puro kapintasan ng lalaking personalidad ang maririnig, matagal na palang maraming naiinis sa aktor na ito.

Sabi ni Source A, “Nu’ng kasagsagan ng career niya, ang tingin niya sa sarili niya, e, siya na ang pinakamagaling na aktor sa balat ng lupa!

“Suplado siya! Hindi mo siya basta-basta puwedeng lapitan, kailangang tantiyahin mo muna ang mood niya. Saka kapag medyo magaling ang kaeksena niya, e, bubulungan niya agad, ‘Boy, hindi ikaw ang bida rito.’

“Ibig sabihin, e, huwag masyadong galingan ng kaeksena niya ang pag-arte dahil siya lang ang may karapatan!” napapailing na kuwento ng impormante.

Ang kawalan ng utang na loob ang isa pa sa mga kuwentong lumutang, mabilis ngang makalimot ang male personality, kapos siya sa paglingon sa kanyang pinagmulan.

“Hindi naman kasi lahat ng panahon. e, sikat siya, marami siyang projects, dumating din siya sa taghirap. Marami siyang inabalang tao nu’n, kaliwa’t kanan ang pagdaing niya.

“Pero mabilis siyang makalimot. Kapag nakuha na niya ang kailangan niya, e, wala nang kuwenta sa kanya ‘yung taong nilapitan niya.

“May isang male personality na hindi barya-barya lang ang itinulong sa kanya, milyunan ‘yun, pero naalala man lang ba niyang kumustahin ang taong ‘yun? Waley!

“Magaling lang siya kapag may kailangan, marami siyang drama, pero kapag tapos na ang lahat, balewala na sa kanya ang taong sumagip sa kanya sa kagipitan,” isang source sa umpukan ang nagsabi.

Nakabangon na naman ang male personality, nakakita siya ng mga taong didikitan para sa mga personal niyang interes, kaya umaariba na naman ang kanyang kayabangan.

Patuloy ni Source A, “Hanggang kailan? Naku, kapag tapos na niyang gamitin ang mga taong ‘yun, e, hahanap na naman siya ng mas mapapakinabangan niya, sa totoo lang!

“Tumanda siyang paurong. Sa age niya ngayon, dapat, e, nakikipagkilala na siya sa salitang utang na loob at pasasalamat.

“Masarap siyang pitikin sa ilong, tulad din ng upos ng sigarilyo na katunog niya ang name,” pagtatapos ng aming source.

Naku naman, Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, may iba pa ba?

Read more...