PATAY ang isang apat-anyos na batang lalaki dahil umano sa meningococcemia sa Ternate, Cavite.
Iginiit naman ng mga otoridad na hindi pa ito kumpirmado dahil hinihintay pa ang resulta ng mga isinagawang pagsusuri kaugnay ng sakit ng bata.
Sinabi ni Dr. Nelson Soriano, provincial health officer, na nagsagawa na sila ng prophylaxis sa mga miyembro ng pamilya ng bata na nagkaroon ng malapitang kontak sa biktima para maiwasan ang pagkalat ng bacteria sakaling magpositibo nga ito sa meningococcemia.
Ipinadala na ang sample ng cerebrospinal fluid ng bata sa Research Institute for Tropical Medicine sa Muntinlupa City para masuri.
Sinabi ni Soriano, na nagpakita ang bata ng mga sintomas ng meningococcemia kagaya ng mataas na lagnat at panghihina.
Dinala ang biktima sa Cavite Municipal Hospital at kalaunan ay inilipat sa San Lorenzo Ruiz Hospital sa bayan ng Naic. Namatay ang bata Huwebes ng umaga.