IBANG klaseng si Jean Garcia ang napanood namin sa pelikulang “Watch Me Kill,” isa sa mga entry sa 2019 Pista ng Pelikulang Pilipino na mapapanood na sa mga sinehan simula ngayong araw, Sept. 13.
Isa itong psychological thriller-action-drama na binigyan ng MTRCB ng R16 classification dahil na rin sa tema at mga violent scenes ng pelikula.
Astig at talagang nakakatakot na Jean ang makikita sa movie kung saan gumaganap siya bilang si Luciana, isang kilabot na hired killer.
Bayolente ang halos lahat ng eksena ni Jean dahil nga wala siyang sinasanto pagdating sa pagpatay kaya naiintindihan na namin kung bakit nasabi ng aktres na ito na ang pinakamahirap at pinaka-nakakapagod na pelikulang nagawa niya.
Kilalang assassin ng mga sindikato, masasabing maprinsipyong killer si Luciana dahil talagang tinatapos niya ang bawat trabahong tinatanggap niya. Sa isang misyon para sa isang underworld boss (Jay Manalo) hindi niya inaasahang may bata (Junyka Santarin) palang kasama ang pinatay niyang retired army man.
Sa pagdating ng batang si Aurora sa buhay niya, dito na magsisimula ang twists and turns ng kuwento ng “Watch Me Kill”. Babaguhin ng bata ang takbo ng kanyang utak – ipagpapatuloy pa ba niya ang pagiging hired killer o tuluyan nang magbabagong-buhay?
Siguradong unang mapapansin ng manonood ang pagkakaiba sa mga naging roles noon ni Jean. Kung madalas siyang mag-portray ng mga karakter na laging sumisigaw, nagtataray at nagagalit, dito bilang si Luciana, tahimik lang siya pero intense. Matatakot at magagalit ka sa mga pinaggagagawa niya.
Makikita rin sa movie na talagang pinag-aralan niya ang humawak ng iba’t ibang kalibre ng baril bilang isa siyang sharpshooter sa kuwento. May ilang eksena rin si Jean na mala-Angelina Jolie ang peg.
“I’ve done action movies in the past but my role usually is the wife of the action star. I was never the one doing the stunts. In this movie, ako si Luciana, isa siyang hired killer. Trabaho niyang pumatay nang may bayad.
“Kumbaga, pumapatay siya dahil may nagbabayad sa kanya para pumatay. Wala siyang emosyong tao. Hindi siya nakikisalamuha kahit kanino. Wala siyang kaibigan o walang kinikilalang kaibigan. Wala rin siyang pakialam sa paligid niya,” pahayag ni Jean tungkol sa kanyang role.
Nakakabilib din ang cinematography ng “WMK” na hindi pahuhuli sa mga international action films na may katulad na genre. Isa ito sa mga rason kung bakit naimbita ang pelikula sa gaganaping WARSAW International Film Festival sa darating na October sa Poland.
Habang pinanonood n’yo ang pelikula ay mapapaisip ka kung bakit ganu’n ang takbo ng utak ni Luciana at bakit napasabak siya sa pagiging assasin. Sasagutin ‘yan sa ending.
Nagtagumpay naman ang direktor ng pelikula na si Tyrone Acierto na ilabas ang galing ni Jean bilang action star. Siguradong marami rin ang makakapansin na isa sa naging inspirasyon ni Direk Tyrone sa paggawa ng “WMK” ang mga bayolente at madugong pelikula ng international director na si Quentin Tarantino.