2 anak ni Kris botong-boto kay Willie: ‘Sana sila na lang ang magkatuluyan’

KRIS AQUINO AT WILLIE REVILLAME

Mahal na mahal ng mga anak ni Kris Aquino si Willie Revillame. Ang aktor-TV host lang ang iniidolo ni Joshua, ang espesyal na panganay ng aktres, palaging gustong makasama ni Josh ang kanyang Kuya Willie.

At wala ring kuwestiyon ang pagmamahal ni Willie sa magkapatid na Josh at Bimby, nasa ABS-CBN pa sila ni Kris ay palagi na siyang dinadalaw ng magkapatid sa kanyang dressing room, hanggang ngayon ay buo pa rin ang kanilang samahan at pagkakaibigan.

Napakaganda ng resto-bar ni Willie sa Wil Tower. Solo niya ang 42nd floor, kanya rin ang helipad, kung saan niya ineestima ang kanyang mga bisita.

Siya rin ang nagluluto ng steak sa harap ng kanyang mga bisita, ibang klaseng tumanggap ng mga bisita si Willie, napakapersonal ng kanyang pag-aalaga.

May mga nanunukso kay Kris na sana raw ay maging sila na lang ni Willie dahil wala nang problema kina Josh at Bimby. Botong-boto ang magkapatid kay Willie, hindi na poproblemahin ni Kris ang kanyang makakarelasyon, pero hindi ‘yun mangyayari.

Magkaibigan lang talaga sila, okey na kina Kris at Willie ang ganyan na kapag pareho silang may sapat na panahon ay nagdadalawan sila sa kani-kanilang bahay, huwag nang ipilit ang hindi puwede.

Naku, kapag naging magkarelasyon sina Willie at Kris ay siguradong giyera mundial ang magaganap. Ilang araw pa lang silang magkarelasyon ay baka magkahiwalay na rin sila!

Ha! Ha! Ha! Ha!

Read more...