Ika-11 season ng ISAA bubuksan sa Setyembre 19

ANG mga ISAA officials sa ginanap na ika-39 edisyon ng “Usapang Sports” na inorganisa ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) Huwebes ng umaga sa National Press Club sa Intramuros, Maynila.

UMAASA ang Inter-Scholastic Athletic Association (ISAA) na patuloy na makapag-aambag ng mahuhusay at magagaling na manlalaro para sa national team.

Ito ang asam ng ISAA na magbubukas ng kanilang ika-11 season sa susunod na Huwebes, Setyembre 19, sa Mall of Asia Arena.

“Elevate. ‘Yan ang aming theme ngayong 11th season. ‘Yan din ang aming inaasahang gawin ngayong taon,” sabi ni ISAA president Ruel de la Rosa ng Manila Tytana College sa ika-39 edisyon ng “Usapang Sports” na inorganisa ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) at sinusuportahan ng Philippine Sports Commission, National Press Club, Philippine Amusement and Gaming Corporation, Community Basketball Association at HG Guyabano Tea Leaf Drinks Huwebes ng umaga sa National Press Club sa Intramuros, Maynila.

Hindi rin nababahala ang mga opisyales ng ISAA sa posibilidad na makuha ang kanilang mga players ng ibang liga dahil ito ay pagpapatunay ng husay ng kanilang mga manlalaro.

Isa pang ipinagmamalaki ng ISAA ay walang Fil-foreigners sa kanilang liga dahil naniniwala sila sa kakayahan ng mga Pinoy players.

Bago ang makulay na pagbubukas ng liga, magtatapat muna ang La Consolacion College at ICCT dakong alas-8 ng umaga sa Setyembre 19.

Susundan ito ng sagupaan ng Trinity University of Asia at Immaculada Concepcion College ganap na alas-9:30 ng umaga.

Pagkatapos ng dalawang laro sa umaga ay pormal ng magbubukas ang torneo alas-11 ng umaga at itutuloy ang laro sa alas-12:30 ng hapon kung saan maghaharap ang La Consolacion College Manila at Manila Adventist College sa junior division at magbabanggaan ang Manila Tytana Colleges at bagitong Air Link International Aviation School sa huling laro.

 

Read more...