TINAGURIANG mga “bagong bayani” ang mga OFW. Bakit nga ba? Dahil ba sa laki ng dollar remittances na pumapasok sa Pilipinas na nagpapalakas ng ekonomiya?
Para sa amin, isang kabayanihan ang pagsasakripisyo ng mga OFW sa kanilang paga-abroad.
Pero bayani din kaya sila kung ituring ng kanilang mga kapamilya na kanilang iniwan upang magbakasali sa ibang bansa? Mga kapamilya na tumatayong kapalit nila sa mga obligasyon bilang isang ama, ina at asawa.
Paano naman kaya ang magiging turing sa mga nilalang na ito na siyang napag-iwanan ng pananagutan ng ating mga OFW?
Panganay na anak si Mylene ng isang Pinay nurse. Sampung taong gulang pa lamang siya nang magsimulang mag-abroad ang kanyang nanay. May dalawa pa siyang kapatid na mga babae.
Labing walong taon na ngayon si Mylene. Dalaga na. Tuwing dalawang taon umuuwi ang kanyang nanay upang magbakasyon ng isang buwan lamang.
Ginampanan ni Mylene ang papel ng kanyang ina sa murang edad pa lamang.
Siya ang tumayong ina ng kanyang nakababatang mga kapatid. Lingguhan din kasi kung umuwi ang ama mula sa pinagtatrabahuhan nito. Kahit kapitbahay lamang din nila ang isang tiyahin na kapatid ng kanyang ina, siya ang nag -asikaso ng lahat-lahat para sa kanyang pamilya.
Gumigising siya ng alas-5 ng umaga araw-araw. Bago pa siya matulog, ihahanda na muna niya ang mga unipormeng gagamitin ng kanyang mga kapatid, pati na ang mga gamit nila.
Pagkatapos, ihahanda na ni Mylene ang almusal ng kanyang mga kapatid pati na ang mga baon nito. Saka siya maliligo nang mabilis upang ihanda naman ang sarili. Sinisiguro niyang maayos ang mga kapatid bago pa sila magtungo sa eskuwela.
Pagkagaling sa eskuwela, dadaan muna siya ng palengke upang mamili ng iluluto niya na kakainin sa gabi pati na ang kanilang almusal at baon kinabukasan. Maglalaba pa siya at magpaplantsa ng mga unipormeng gagamitin kinabukasan.
Sa gabi naman, tuturuan pa niya ang mga kapatid sa kanilang mga assignments at kung ano pang mga kakailanganing dalhin sa eskuwela. At bago matulog, sabay-sabay silang mananalangin. Si Mylene na rin ang nagtuturo sa kanyang mga kapatid may kinalaman sa Diyos at sa kanilang pagsamba.
Walang panahong maglaro si Mylene. Pati na rin pansariling mga pangangailangan, nakalimutan na rin niya dahil sa laki ng obligasyon niya sa kanyang mga kapatid.
Kaya lang tuwing uuwi ang kanyang nanay, damang-dama niya na bayaning-bayani ang turing dito ng mga tao. Bidang-bida pa nga!
Tanging ang alam lamang ng nanay niya, siya ang bayani at siya ang nagdadala ng pera sa pamilya.
Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com